TASK FORCE VS ILLEGAL RECRUITMENT BINUO NG DOLE

illegal recuitment

PINAIGTING ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kampanya nito laban sa lahat ng uri ng illegal recruitment at human trafficking sa bansa at sa ibayong dagat at patuloy na protektahan ang kapakanan ng mga Filipinong manggagawa mula sa mga mapang-abusong recruiter at sindikato.

Sa isang administrative order, bumuo si Labor Secretary Silvestre Bello III ng bagong task force laban sa illegal recruitment, recruitment ng minor worker, at trafficking in persons upang maiwasang mabiktima ang mga manggagawa ng mga grupong may ­ilegal na gawain.

Batay sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mayroong 156 na biktima ng illegal recruitment mula Hunyo 18 hanggang Oktubre 2018, na siyang nakaaalarmang kaso dahil naganap ang mga insidente sa loob lamang ng maiksing panahon.

Ang task force rin ay mayroong kapangyarihan na magsagawa ng surveillance at entrapment operation sa mga taong pinaniniwalaang kabilang sa mga aktibidad ng illegal recruitment, at mag-atas ng agarang ­imbestigasyon at kalutasan sa mga kasong may kaugnayan sa illegal recruitment.

Pangungunahan ni Undersecretary Jacinto Paras ang grupo at ng Administrator ng ­Philippine Overseas Employment Administration bilang vice chair at Director ng Bureau of Local and Employment bilang miyembro.

Ang iba pang ­miyembro ng task group ay kinabibila­ngan ng mga head mula sa Overseas Workers Welfare Administration, International Labor Affairs Bureau (ILAB), at Bureau of Workers with Special Concerns. PAUL ROLDAN

Comments are closed.