ISANG task force kontra insurhensiya ang binuo ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na pinangunahan ni Gov. Manuel Mamba upang matigil na ang problema sa kaguluhan gaya ng karahasan ng mga rebelde.
Ito ang pangunahing tinalakay sa ipinatawag na pagpupulong ng pamahalaang panlalawigan kabilang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Cagayan, Cagayan Police Provincial Office, Marine Battalion Landing Team, 17th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga kinatawan ng civil society organization.
Makaraan ang pagpupulong na ’Task Force versus Insurgency’ isang mandato ang itinatag ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) upang makagawa ng mga hakbang para tuluyan nang masupil ang umano’y pang-iimpluwensiya ng mga armado at makakaliwang grupo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at National Democratic Front (NDF) na naghihikayat sa maling mga adhikain sa mga inosenteng mamamayan ng Cagayan.
Kabilang sa binuo at naisip ay ang trabaho at livelihood projects na ipamamahagi ng pamahalaan sa mga magbabalik-loob na mga NPA.
Pinangunahan ni Mamba ang Task Force ELCAC ng kung saan alinsunod ito sa Executive Order 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Labis namang nagpasalamat si Mamba sa mga kinatawan ng civil society organization dahil makatutuwang niya ang mga departmento tulad ng PPDO at PSWDO ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan. IRENE GONZALES
Comments are closed.