TATAK PINOY BILL PARA SA PAG-UNLAD NG PINAS AT NG MGA PILIPINO

NITO lamang nakaraang linggo, tinapos ng ating pinamumunuang komite, ang Senate Committee on Finance ang deliberasyon sa isinusulong nating Senate Bill 2426 o mas kilala bilang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.

Sa nakalipas na pitong pagdinig at limang technical working group meetings kaugnay sa panukala nating
ito, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng structural transformation dito sa ating bansa. Importante ito kung talagang seryoso tayo na mai- sakatuparan ang mga mithiin ng gobyerno at ang 8-point agenda ng administrasyong Marcos.

Malaki ang paniwala natin na napapanahon ang pagsasa- batas ng Tatak Pinoy bill lalo pa’t aktibo ang gobyernong ito sa pangunguna ni Pangu- long Marcos sa pakikipag-ug- nayan sa pribadong sektor, na may mahalagang papel sa implementasyon nito, sakaling tuluyan itong maisabatas. Sa kabuuan kasi ng mga ginawa nating pagdinig at pagpupulong, pinakamalaking bilang ng mga naging resource persons natin ang nagmula sa pribadong sektor, sa iba’t ibang industriya, sa creative sector, manufacturing, tourism, MSMEs, culture, heritage and gastronomy at mula sa sektor ng agrikultura.

Dumalo sila upang magbigay ng kanilang mga rekomendasyon at posisyon sa Tatak Pinoy bill at upang mapalawak na rin ang kanilang kaalaman ukol sa kahalagahan ng nasabing panukalang batas.

Layunin natin sa pagsusulong ng Tatak Pinoy na mas makapaghikayat, sumuporta at mai-promote ang produksyon ng mga dekalidad at sopistikadong produktong Pinoy na maaaring isabak sa pandaigdigang kompetisyon ng mga naglalakihang produkto o serbisyo.

Matagal na nating adbokasiya na mapalakas ang mga produktong Pinoy, at katunayan nga, maging sa Bayanihan to Recover as One Act, naipasok na natin ang layunin nating ito. Partikular sa isang probisyon nito, nakalahad ang pagbibigay importansiya sa mga lokal na produksyon ng PPEs, credit assistance, loan programs para sa MSMEs at marami pang iba.

Umaasa tayo na magsisilbing unifying measure sa pagitan ng government at private stakeholders ang Tatak Pinoy bill para naman maging posible ang pangarap nating makapag-produce ng mas dekalidad and more complex products and services. Sa pamamagitan ng mga ganitong produkto, tiyak na mas malaki ang kita ng mga Pinoy.

Saan nga ba natin nakuha ang inspirasyon ng ating Tatak Pinoy bill? Ito ay dahil sa naging research o pananaliksik ng mga ekonomistang sina Ricardo Hausmann at Cesar Hidalgo – ang Economic Complexity.

Ayon sa kanila, mas mapalalakas ang ekonomiya ng isang bansa kung aktibo ito sa produksyon ng mga sophisticated at complex products. At sa paggamit nila ang malalaking data analysis at creative visualizations para makalkula ang economic complexity ng isang bansa, na-punto nila kung alin-aling bansa ang nangunguna sa economic complexity index o ECI.

Una sa listahan ang Japan kasunod ang Switzerland na sinundan naman ng Chinese Taipei, South Korea at Germany. At base pa rin sa index na ito, nasa ika-33 puwesto lamang ang Pilipinas.

Pero hindi ibig sabihin na “balagoong” tayo pagdating sa ganitong usapan. Sabihin nang mababa, pero makikitang lumalaban at posibleng umabot din sa mas mataas kesa sa kasalukuyang ranggo.

Kaya ang pinaka-sentor ng panukala natin ay atasan ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng isang Tatak Pinoy Council na makipag-ugnayan sa pribadong sektor, para matukoy nila ang mga paraan kung paanong mas mapalalakas ang mga Filipino enterprises na makapag-produce ng mas dekalidad na produkto na maaaring isabak sa global competition. Makakatulong na ito sa ating job creation, mas kikita pa ang ating bansa.

Muli, nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos dahil isinama niya ang ating Tatak Pinoy bill sa priority measures ng kanyang administrasyon. Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, tuluyan na itong magiging ganap na batas.