CAVITE – TATLONG kahera ng money changer ang nasakote ng awtoridad matapos na magsabwatan sa paninikwat ng P100k cash sa tatlong sangay nito sa Barangay Molino, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong qualified theft ang mga suspek na sina Joan Benasa y Garcia, 32-anyos, kahera sa Queen’s Row ZMM money changer at nakatira sa Block 9 Lot 4 Bismuth Street, Dasma 4 Golden City Subd., Brgy. Salawag, Dasmariñas City; Siony Magtibay y Cordero, 43-anyos, kahera sa Molino Road ZMM money changer at nakatira sa Block 18 Lot 4 Phase 2-B Elisa Homes Subd., Brgy. Molino 4, Bacoor City; at si Clarissa Edea y Burton, 31-anyos, kahera naman sa Magdiwang ZMM money changer at nakatira sa Block 2 Lot 12 Phase-2B Lapu-Lapu St., Citihomes Subd., Brgy. Molino 4, Bacoor City.
Sa ulat ni P/SSgt. Francis Mark Cortez na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nagsagawa ng auditing ang area supervisor ng money changer na kung saan nadiskubre nito na nawawala ang P100k cash sa actual sales kaya ipinaalam agad ito sa area manager na si Janet Castanares Yumul.
Napag-alaman sa masusing auditing ng ilang opisyal ng money changer na ang mga suspek ay nagsabwatan sa pagtatago ng P100k cash na kung saan ay hindi inilalagay sa kaha kaya nagkaroon ng discrepancy ang tatlong sangay ng nasabing money changer.
Ayon pa sa police report, lumilitaw sa auditing na ang P100k cash mula sa Molino Branch ay ipinadala sa Queen’s Row Branch habang ang P50k naman ay ipinadala sa Magdiwang Branch.
Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng money changer at naaresto naman agad ang mga suspek na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal. MHAR BASCO
Comments are closed.