TAX COLLECTION GOAL NAHIGITAN NG BIR

IKINAGALAK ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang ipinamalas na tax collection performance nina Bureau of Internal Revenue Commissioner Lilia Guillermo at Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumagui sa ilalim ng Marcos administration.

Sinabi sa report na nahigitan ng Kawanihan ang kanilang tax collection goal sa dalawang sunod na buwan ng July at August ngayong taon.

Sa isang statement, sinabi ng BIR na nakakolekta ito ng P426.327 bilyon mula buwan ng July hanggang August.

Nahigitan nito ang collection target na P421.069 bilyon, mas mataas ng 1.25% o P5.259 bilyon kung ihahambing sa koleksiyon ng nakalipas na taon.

Nitong nakalipas na buwan ng Setyembre at Oktubre, bumandera sa overall tax collections ang South NCR, kasunod ang Cebu City, East NCR, Caloocan City, Makati City, Manila, San Fernando, Pampanga at Cagayan De Oro City.

Sa reoort, sa buwan ng July, ang BIR ay nakakolekta ng kabuuang P14.8 bilyon mula sa mga major tax reforms gaya ng TRAIN Law na P1.9 bilyon, Sin Tax Law na umabot sa P5.9 bilyon at CREATE Act na nasa P7 bilyon.

Sa Estate Tax Amnesty Program, ang ahensiya ay nakalikom ng buwis na umaabot sa P221.996 milyon mula sa 7,770 filers para sa buwan ng July at August.

Ilan sa mga mga nagpamalas ng magandang tax collection performance, ayon sa DOF, ay sina South NCR Director Jethro Sabariaga, East NCR Director Edgar Tolentino, Caloocan City Director Gerry Dumayas, Makati City Director Dante Aninag, Manila Director Albin Galanza, Quezon City Director Bobby Mailig at iba pa.

Sa hanay ng Revenue District Officers, nanguna sa talaan ng tax collection performers sina Deogracias Villar, Pasig City; Jun Mangubat, Bulacan; Arnold Galapia, Tondo, Manila; Bethsheba Bautista, Makati; Rodel Buenaobra, Novaliches; at iba pa.

Kumpiyansa si Commissioner Guillermo na bago matapos ang taong kasalukuyan ay makuha nila ang inaasam na tax collection goal.

May instruction si Commissioner Guillermo kay DepCom Lumaguio na ipagpatuloy ang operasyon ng task force na binuo ng BIR-DOF para suyurin ang mga establishments sa bansa na hinihinalang nandaraya at di tumutupad sa kanilang tax obligations para masampahan ng kaukulang kaso sa korte.

Sinabi sa report na magpapatuloy ang BIR sa monitoring ng mga business establishment na lumalabag sa probisyon ng National Internal Revenue Code.

(Para sa komento at suhestiyon, mag-email sa [email protected] o tumawag sa 09266481092.)