BILANG pagtanaw ng utang na loob ng pamahalaang lungsod, bibigyan ng P100,000 tax credit ang lahat ng establisimiyento na nagpatuloy o nag-accommodate sa lahat ng health frontliners ng Maynila.
Kabilang dito ang hotels, motels, inns, apartelles, lodging houses at iba pang kauri nito.
Ito ang inanunsiyo ni Mayor Isko Moreno sa first directional meeting kasama ang mga hepe ng bureaus, departments at iba pang tanggapan simula nang alisin ang enhanced community quarantine.
Ayon sa alkalde, ang business tax credit na nagkakahalaga ng P100,000 ay simpleng token ng pamahalaang lungsod sa kusang loob na tulong na ipinagkaloob ng mga business establishment sa lahat ng medical personnel na nasa frontlines ng pakikidigma kontra COVID-19.
Sinabi ni Moreno na sinigurado na sa kanya ni Vice Mayor Honey Lacuna, na kasama rin nila sa meeting at kasalukuyang council presiding officer, na agad nilang ipapasa sa city council ang ordinansang nagbibigay ng tax credit sa lahat ng nabanggit na mga establisimiyento.
Sa oras na maipasa na sa konseho ang ordinansa ay agad na pipirmahan ito ni Moreno upang maging batas at mai-publish para agad na maipatupad.
Ayon kay Business Permits and Licenses Office chief Levy Facundo, may 19 na establisimiyento na nag-accomodate sa mga health frontliner, hindi pa kasama rito ang dormitoryo, dahil inaalam pa ang tamang bilang nito.
Samantala ay inatasan naman ni Moreno si City Administrator Felix Espiritu na mamahagi ng non-contact handwashing basins o malalaking palanggana sa mga public market ng lungsod.
Aniya, sa ganitong paraan ay maeengganyo ang mga namamalengke at mga taga-palengke na palagiang maghugas ng kamay bago pumasok at lumabas ng palengke.
Si Moreno ay palagiang nagpapaalala sa publiko na mahigpit na obserbahan ang mga protocol kontra COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at social distancing. VERLIN RUIZ
Comments are closed.