NANINDIGAN si Senador Win Gatchalian na muli niyang isusulong hanggang sa maisabatas ang panukala niyang huwag nang patawan ng buwis ang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo ng poll workers, kabilang ang mga guro, mga opisyal, at mga kawani ng Department of Education (DepEd).
Hindi pinapatawan ng buwis noon ang election honoraria at allowances ng mga poll workers, kabilang ang mga public school teachers. Pero noong 2018 Barangay at SK Elections at 2019 midterm elections ay nagsimulang patawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 5% na withholding tax ang kanilang honorarium. Sa parating na halalan, magiging 20% na ang ipapataw na withholding tax sa honorarium at travel allowance ng poll workers. Inaasahang mahigit tatlong daang libong mga guro ang magsisilbi sa mga electoral board sa araw ng halalan.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, ang election honoraria ng mga poll workers ay papatawan ng income tax kung ang kanilang taunang taxable income ay lagpas sa dalawang daan at limampung libong (P250,000) piso. Para sa mga kumikita ng dalawang daan at limampung libong (P250,000), kinakailangan pang magsumite ng declaration ng tax exemptions, bagay na nagdudulot pa ng abala sa poll workers na tatanggap ng kanilang sahod, ayon kay Gatchalian.
Inihain ni Gatchalian noong 2019 ang Senate Bill No. 1193 upang matanggap ng mga poll workers ang buong halaga ng kanilang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo.
Sa kanyang paghain ng panukalang batas, kinilala ni Gatchalian ang pagsasakripisyo, pagkamalikhain, at patuloy na pagsisikap ng mga guro na madalas ay nagtatrabaho ng higit sa dalawampu’t apat na oras upang matapos ang transmission ng mga resulta. Para kay Gatchalian, ang pagbibigay ng buong halaga ng sahod at mga benepisyo sa mga poll workers ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan sila sa kanilang papel sa pagpapanatili ng kaayusan ng halalan.
Noong nakaraang Nobyembre, nag-isyu ang Commission on Elections (COMELEC) ng resolution kung saan nakasaad ang honoraria na matatanggap ng mga poll workers. Ang mga chairperson ng electoral board ay nakatakdang makatanggap ng pitong libong (P7,000) piso sa darating na halalan. Anim na libong (P6,000) piso naman ang matatanggap ng mga miyembro ng electoral boards, limang libong piso (P5,000) para sa mga DepEd Supervisor Officials (DESO), at tatlong libong piso (P3,000) para sa support staff at medical personnel.
Ang mga poll workers ay nakatakda ring makatanggap ng P2,000 transportation allowance, P1,500 communication allowance, at P500 pisong anti-COVID allowance, medical at accident insurance.
“Patuloy nating isusulong na maibigay nang buo ang sahod at mga benepisyo ng ating mga guro sa panahon ng halalan. Ito pa rin ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan sila sa kanilang malaking sakripisyo upang tiyakin ang kaayusan ng ating eleksyon at pangalagaan ang demokrasya ng ating bansa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. VICKY CERVALES