TAX PERKS SA ECOZONES LILIKHA NG LIBO-LIBONG TRABAHO

JOB VACANCIES

KUNG nais ng gobyerno na magtuloy-tuloy ang malakas na kalakalan sa special economic zones o SEZs, dapat nitong panatilihin ang pagkakaloob ng tax incentives sa mga kompanyang sakop nito para na rin makalikha pa ng mas mara­ming trabaho.

Ayon kay Senador Sonny Angara, bukod sa kalidad ng workforce sa bansa, pinipili rin ng mga negosante ang SEZs dahil sa tax incentives dito na hindi nila nakukuha sa ibang lugar.

Sinabi pa ni Angara na ang mga special economic zone, partikular ang mga pinanga­ngasiwaan ng Philippine Economic Zone Authority o PEZA, ay napakahalaga para sa paglikha ng trabaho.

Sa kanyang pagtungo ngayong araw sa Misamis Oriental na kinaroroonan ng dalawa sa mahahalagang SEZs, ang Philippine Packing Agricultural Export Processing Zone sa Cagayan de Oro City at ang Phividec Industrial Estate sa bayan ng Tagoloan, sinabi ni Angara na malaking tulong sa mga lokal na residente ang mga negosyo sa ecozones dahil hindi na nila kailangang mangibang-bayan para maghanap ng trabaho. Naiaangat din, aniya, ng ecozones ang ekonomiya ng lokalidad na sumasakop dito.

Sa kasalukuyan, ang mga kompanyang PEZA-accredited ay may tax holidays at may tax rate na 5 percent kaya hindi hirap ang mga mangangalakal na magpasok ng kanilang negosyo.

Anang senador, kabilang ang ekonomiya ng Northern Mindanao sa mga napasisigla ng SEZs kaya inaasahan din na ngayong taon, bilyon-bilyong halaga ng investments ang bubuhos sa rehiyon na lilikha ng libo-libong trabaho sa lokalidad.

Partikular na tinukoy rito ng National Economic Development Authority o NEDA ang mga investment tulad ng Gardenia Bakeries Philippines na nagsimula ng operasyon sa SEZs  nitong Marso, at San Miguel Corp. na inaasahang maglalagak ng maraming proyekto rito, kabilang ang ikalawang serbeserya sa Min­danao. Ang iba pang kompanya na posibleng pumasok sa SEZs ay isang steel manufacturing corporation, isang tennis ball maker, atbp.

“Kung magagawa nating mapalakas ang kabuhayan para sa ating mga kababayan, malaki ang pag-asang wala nang aalis at iiwan ang pamilya para mag­hanapbuhay sa ibayong dagat,” ayon kay Angara. VICKY CERVALES

Comments are closed.