TAXI, UV EXPRESS DRIVERS NGANGA SA FUEL SUBSIDY

petrolyo

HANGGANG ngayon ay wala  pa ring fuel subsidy na natatanggap ang mga taxi, tricycle, at UV Express driver sa gitna ng panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Dalawang linggo makaraang  i-exempt ng Commission on Elections (Comelec) sa election spending ban ang pamamahagi ng ayuda para sa transport sector, hindi pa rin ito naitutuloy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Paliwanag ni LTFRB Executive Director Tina Cassion, may natanggap na silang kopya ng desisyon ng Comelec ngunit hindi ito pirmado kaya hindi mai-release ang pondo mula sa Landbank.

Ani Cassion, magiging official lang ang isang dokumento kapag ito ay pirmado.

“Medyo legalistic. Siyempre kailangan po kasi ‘yan sa [Commission on Audit] na may sapat na legal basis,” aniya.

Napag-alaman na sa mahigit 377,000 benepisyaryo ng fuel subsidy ay lagpas 111,000 pa lang ang naayudahan

Hindi pa rin umano nagbibigay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng listahan ng mga kuwalipikadong tricycle driver.