TAYA SA LOTTO KAPALIT AY TULONG SA TAAL–PCSO

lotto

BILANG tulong sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal, hi­nimok ng Philippne Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na suportahan at tumaya sa lotto games paraan upang makalikom ng pondo na maitutulong sa mga nawalan ng tirahan at kabuhayan sa Batangas.

Ayon kay PCSO Director Sandra Cam, kitang kita ang pagbabayanihan ng mga Filipino sa mga ganitong panahon at sa mga nagnanais pa na tumulong sa kahit na maliit na paraan ay maaari nila itong gawin sa pamamagitan lamang ng pagtaya sa lotto at iba pang palaro ng PCSO.

Nabatid na sa bawat P1 na taya ay 30 sentimo ang napupunta sa Charity Fund.“Lahat tayo ay may kakayahan na tumulong, ang pagtaya sa lotto games ay isang paraan, sana po sa maliit na halaga ay ma­kibahagi tayo sa hangarin ng lahat na maibangon muli ang Batangas at Ca­vite,” pahayag ni Cam,

Sa ilalim ng Charter ng PCSO ay 30% ng kita nito ay napupunta sa Charity Funds kaya kung mataas ang benta ng ahensiya sa mga palaro nito ay mas mataas din ang maibibigay na tulong sa Calamity/Disaster Assistance sa mga Local Government Units.

Ang PCSO ay una nang nakapag-donate ng 5,000 N95 masks 3,300 grocery packs, mga gamot at naglaan din ng sasakyan para sa mga ie-evacuate na residente at sa mga ahensiyang nangangasiwa sa relief operation gayundin ay nagsagawa ng medical mission para matugunan ang medical needs ng mga evacuee.

Bukod dito ay inihahanda na rin ng ahensiya ang financial assistance na ibibigay sa mga naapektuhang LGUs, hindi pa batid kung magkano ito dahil depende sa magiging lawak ng naging pinsala.

Ang financial assistance ng PCSO ay maaaring magamit para sa food/feeding projects para sa mga pamilya na nasa evacuation centers at pagbili ng dagdag na gamot at supplies para tugunan ang health-related activities kasama na rito ang pagtiyak ng pagkakaaroon ng malinis na tubig at hygiene/sanitation requirements.

Kamakailan ay naglibot din ang mga opisyal ng PCSO sa mga nasa­lanta ng bagyong Ursula at Bagyong Tisoy, si Director Cam ay nagtungo sa Western Samar, Biliran at Leyte na nagdala ng food packs at pinansiyal na tulong.

Naglaan din ng tulong ang PCSO sa mga LGU at mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang linol sa North Cotabato at Davao Del Sur.

Nasa kabuuang P10 milyon  ang ipinamahagi sa LGUs ng Kidapawan, Magpet, Makilala, Tulunan, Digos, Bansalan, Magsaysay at Matanao bukod pa sa P100,000 halaga ng medisina.

“Kabayan, halina at makipagtulungan. May pag-asa ka nang manalo, nakatulong ka pa sa kapwa mo. Ang perang malilikom mula sa mga tickets na inyong binili ay aming lilipunin para makatulong sa may sakit at biktima ng kalamidad,” pagtatapos pa ni Cam.

Comments are closed.