TAYO NA SA PASINAYA 2024—SULONG!

INIHAHANDOG ng Cultural Center of the Philippines (CCP) o Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang PASINAYA 2024, isang Open House Festival na gaganapin mula ika-3 hanggang ika-4 ng Pebrero 2024.

Ang PASINAYA ang pinakamalaking taunang multi-arts festival sa bansa. Tampok dito ang mga Palihan, Palabas, Palitan, Paseo Museo at Pamilihan sa iba’t ibang venue sa CCP, mga partner galleries at museums, at sa iba’t ibang rehiyon (Tagum City, Davao Del Norte at Iloilo City).

Ang tema para sa taong ito ay “SULONG” at magkakaroon ng mahigit isandaang mga palabas, palihan, at iba’t ibang aktibidad sa larangan ng musika, sayaw, sining biswal, pelikula, at panitikan.

Kasali sa selebrasyon ang iba’t ibang grupo mula sa iba’t ibang larangan ng sining, mga indibidwal na manlilikha at artista mula sa lahat ng sulok ng bansa.

Ang “Palihan: Workshop-All-You-Can” ay mga palihan o workshop sa lahat ng art forms na pangungunahan ng mga eksperto sa kani-kaniyang larangan. Ang “Palabas: See-All-You-Can, Pay-What-You-Can” ay mga pagtatanghal at film screening tampok ang mga CCP Resident Companies, mga propesyunal, amateur, at community-based artists at arts organizations sa bansa.

Ang “Palitan: Network-All-You-Can Arts Market” ay isang pagkakataon upang makapag-pitch ang mga manlilikha sa mga producers. Ang “Paseo Museo” ay tour palibot sa mga museo at gallery sa Maynila at Pasay na kasali sa PASINAYA. At ang “Pamilihan” naman ay isang art bazaar o tiangge.

Inaasahang aabot sa 14,000 ang bisitang dadalo sa dalawang araw na pagdiriwang na ito. Para sa mga nais makilahok, ang mungkahing donasyon ay P50 bawat tao. Para sa karagdagang impormasyon at iskedyul ng mga palabas at palihan, bisitahin lamang ang Facebook page ng CCP (facebook.com/culturalcenterofthephilippines).