TEAM ASIA, WAGI SA KAUNA-UNAHANG REYES CUP

Ang unang Reyes Cup, na ginanap mula Oktubre 15 hanggang 18, 2024, sa Ninoy Aquino National Stadium sa Maynila, ay hindi lamang isang pa­ligsahan sa bilyar kundi isang pagdiriwang ng kultura at ng pamana ni Efren “Bata” Reyes.

Ipinangalan ito sa Filipino pool icon na iti­nuturing na pi­nakamahusay na manlalaro ng bilyar sa lahat ng panahon, ika nga, Greatest Of All Time.

Tinipon ng Reyes Cup ang ilan sa mga pinakamahuhusay na ta­lento mula sa Asya at Europa para sa isang makasaysayang labanan. Sa pangunguna ni Reyes bilang team captain ng Team Asia, nagkaroon ng mas malaking kahulugan ang torneo, na umakit sa maraming tagahanga mula sa iba’t-ibang panig ng mundo upang magtungo sa bansa para lamang manood nang live.

Lalo nitong pinagtibay ang papel ng Pilipinas bilang isang pandaigdigang sentro ng bilyar.

Bilang pagkilala kay Reyes, na nagbigay inspirasyon sa mga hene­rasyon ng mga manlalaro at tagahanga, ang Reyes Cup ay nakatakdang maging isang pa­ngunahing kaganapan sa larong bilyar.

Ang hindi mabilang na mga tagumpay ni Reyes ay nagpatibay ng kanyang katayuan bilang GOAT, kaya’t nararapat lamang na ang kauna-unahang edisyon ng event na ito dito ginanap sa bansa, kung saan patuloy na nagbibigay inspirasyon si Reyes sa mga tagahanga at manlalaro hanggang sa kasalukuyan.

Sinunod ng Reyes Cup ang format ng Mosconi Cup, na nagdiwang naman ng ika-30 anibersaryo nito noong nakaraang taon sa London. Itinampok sa Reyes Cup ang paghahalo ng singles, doubles, at team matches, na nagbigay sa mga manonood ng iba’t-ibang uri ng aksyon.

Ang Team Asia, na pinili sa pamamagitan ng kumbinasyon ng mga nangungunang ranggo at wildcards, ay pinangunahan ni Reyes. Kasama niya ang mga magaga­ling na manlalarong sina Johann Chua, Carlo Biado, Aloysius Yapp, Duong Quoc Hoang, at Ko Pin-Yi.

Ang lineup na ito ay nagpapakita ng domi­nasyon ng Asya sa larong ito, at nagpapakita rin ng parehong mga nakatatandang kampeon at mga umuusbong pa lamang na mga bituin sa larangan ng bilyar.

(Itutuloy…)