(Pagpapatuloy…)
Sa kabilang team naman, ang Team Europe, ang team captain ay isang kilalang British pool player na si Karl Boyes. Kasama sa lineup ng kanyang grupo sina Eklent Kaçi, Mickey Krause, David Alcaide, Jayson Shaw, at Francisco Sánchez Ruiz, Lahat sila ay may bitbit na matitibay na karanasan at di-matatawarang galing.
Ang mga manlalarong kagaya ni Alcaide, isang matagal nang haligi sa Mosconi Cup, at ni Shaw, na may agresibong estilo ng paglalaro, ay nagdala ng excitement sa kompetisyon.
Sa kabila ng karanasan at talento ng Team Europe, nanaig pa rin ang Team Asia, na pinasiglang lalo ng presensya ng alamat sa bilyar na si Efren “Bata” Reyes. Ang final score ay 11-6, tagumpay ng Team Asia. Hindi lamang umano parangal ito sa kahanga-hangang karera ni Reyes, kundi patunay na rin na handa nang ipagpatuloy ng susunod na henerasyon ng mga Asian superstars ang pamana ni Reyes sa bilyar.
Ang Reyes Cup, na inorganisa ng World Nineball Tour sa pakikipagtulungan ng Puyat Sports, at ipinalabas sa buong mundo sa pamamagitan ng Cignal TV sa Pilipinas at Sky Sports sa UK, ay naitatag na bilang isang mahalagang kaganapan sa mundo ng bilyar.
Habang pinagsama nito ang pinakamahuhusay na mga manlalaro mula sa dalawang kontinenteng nabanggit, binigyan din nito ang mga tagahanga at tagasubaysay mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo ng pagkakataong masaksihan ang kapana-panabik na mga matches o paghaharap.
Habang humuhupa na ang alikabok mula sa unang edisyon ng Reyes Cup, handa na itong maging isang permanenteng bahagi ng larong bilyar sa mundo. Handa na rin itong patuloy na magbigay ng parangal sa pinakamagaling na manlalaro ng sport na ito, si Efren “Bata” Reyes.
Lahat yan, habang ipinapakita ang galing ng pinakamahuhusay sa cue sports sa buong mundo.