BUBUUIN ng 905 atleta at 257 opisyal ang Team Philippines sa 32nd Southeast Asian Games na gaganapin sa Cambodia sa May 5-17.
Ginawa ni Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang pahayag sa General Assembly nitong Miyerkoles sa East Ocean Garden Restaurant sa Pasay City.
Inaprubahan din sa General Assembly ang suspensiyon ng Philippine Swimming Inc. (PSI) bilang regular POC member kung saan walang tumutol.
“I’m confident these are all fighting athletes,” wika ni Tolentino. “They will be competing in all the events despite the odds.”
Ang Cambodia ay nagprograma ng 608-event, 38-sport first-time hosting ng Games— ngunit nagtakda rin ng unique rules, partikular sa combat sports kung saan maliban sa host, ang ibang mga bansa ay hindi maaaring magpasok ng full teams sa ilang events.
Ang Filipino athletes ay lalahok sa lahat ng sports sa Cambodia.
Ang Team Philippines sa Cambodia ay mas marami sa 656 athletes na sumabak sa 38 sports sa 31st SEA Games noong nakaraang taon kung saan tumapos ang bansa sa fourth na may 226—52 gold, 70 silver at 104 bronze—medals mula sa nakatayang 1,759.
Itinakda ng POC ang formal sendoff ceremony para sa Team Philippines sa April 15 sa Philippine International Convention Center.