TELEMEDICINE PARA SA PANAHON NG PANDEMYA

JOE_S_TAKE

ISA ang telemedicine sa mga tinatawag na buzzwords sa larangan ng medisina ngayong nakalugmok tayo sa pandemyang dulot ng Covid19. Lahat ng paraan ay ginagawa natin upang makaiwas sa sakit na ito. Mula sa mga work from home arrangement ng mga empleyado, internet o online shopping, zoom reunions at meetings, Netflix binge watching at kung ano- ano pang pamamaraan gamit ang teknolohiya.

Buti na lamang at ang aking Smart connection ay matatag at maaasahan at nakakasabay sa pangangailangan ko bilang isang kolumnista at professional communicator. Bukod sa aking trabaho sa Meralco, ang inyong abang lingkod ay Chairman din ng International Association of Business Communicators Philippines (IABC) at maging ang aming organisasyon ay gumagamit na rin ng teknolohiya sa pamamagitan ng internet upang mairaos ang aming mga online  forum.

Mabalik ako dito sa telemedicine kung saan nitong nagdaang linggo ay pinalad akong masaksihan kung paano ito isinagawa mula sa aming tahanan. Ang aking anak ay isang doktor na kamakailan ay nagsagawa ng lecture sa telemedicine. Kanyang ipinaliwanag sa mga dumalo sa kanyang online lecture kung bakit napakaimportante nito ngayon sa panahon ng pandemya.

Aniya, tatlong advantages ang nakikita niya sa pamamagitan ng telemedicine. Una ay ang reduced exposure sa infectious diseases. Tama nga naman. Sa aking pananaw,  hanggang wala pa tayong nakikitang mabisang bakuna sa Covid19 ay mas mainam  kung maiiwasan natin ang magkonsulta nang harapan sa doctor, makipag-usap na lang tayo sa mga mangagamot o doctor gamit ang internet o telepono, kung ‘di naman masyadong malubha ang ating kalagayan.

Sa ganoong paraan ay maiiwasan natin ang mahawaan ng sakit at maging ang pagpunta mismo sa ospital lalo na ngayong may pandemya.

Pangalawa ay ang cost of transportation at physical access. Sa panahon ng pandemya hindi pa rin gaanong reliable o maaasahan ang ating public transport. Dahil diyan ay mahirap pa ring umikot at magbiyahe lalo na dito sa Metro Manila.

Sa pamamagitan ng telemedicine ‘di na kailangan ng pasyente na kumuha pa ng masasakyan o gumastos ng karagdagan sa pag-commute. Sa pamamagitan ng telemedicine ay makakausap niya ang kaniyang doctor at maisasangguno ang kanyang nararamdaman o nais ikonsulta.

Pangatlo ay para sa mga home-bound patient. Ito ‘yung mga pasyente na halos wala na talagang kakayahan na magtungo pa sa doctor dahil na rin  marahil sa mabigat na karamdaman o physical disability.

Malaking tulong ang telemedicine dahil kahit papaano ay maipakikita sa video kung kinakailangan ang kanyang sarili at maisasangguni nang direkta ang karamdaman.

Kasama ako sa maraming pasyente na malaki ang pasasalamat sa teknolohiya pagkat kahit paano ay mayroon ng paraan kung ‘di man kaya na pumunta sa doctor ng face-to-face ngayong tayo ay may pandemya. Para sa isang may diabetes, isa itong welcome development sapagkat ngayon ay may iba pang paraan kung sakaling mangailangan ng agarang konsultasyon.

Maayos na naisakatuparan ng Nestle Philippines ang telemedicine lecture na ito pagkat nakatitiyak  ako na ang maraming mga doktor na dumalo dito ay may natutunan mula sa aking  anak.

Kay Dr. Jose Ma. Zaldarriaga, MD, MBA, ipagpatuloy mo ang adhikain na makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag kaalaman at karunungan sa kapwa. Isa itong paraan upang lalo nating mapalago ang siyensiya  at makatulong sa ating bayan.



Sa mga nais magbigay ng feedback sa inyong lingkod, sumulat lamang sa aking email sa [email protected].

Comments are closed.