TERRAFIRMA, MERALCO SA PBA 3X3 LEG 4 Q’FINALS

NAGTALA ang Terrafirma ng dalawang sunod na panalo sa Pool C sa pagsisimula ng Leg 4 ng PBA 3×3 Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig upang makausad sa quarterfinals sa ika-4 na sunod na pagkakataon.

Naunang dinispatsa ng quartet nina Dhon Reverente, Jed Bulawan, Terrence Tumalip, at Matt Salem ang NorthPort, 19-9, at sinundan ito ng 18-15 panalo kontra Purefoods TJ Titans upang kunin ang isa sa dalawang playoffs spots sa kanilang grupo.

Nananatili ang misyon ng Dyip na manalo nang manalo magmula nang ialay nila ang kanilang season campaign kay injured captain Roider Cabrera.

Ang 30-anyos na si Cabrera ay sumailalim sa angioplasty surgery noong Huwebes at nanatiling naka-confine sa ospital makaraang mag-collapse sa dressing room kasunod ng laro ng koponan kontra Barangay Ginebra sa Leg 2 ng torneo.

Nakausad din sa knockout stage sa Linggo ang  Platinum Karaoke at Cavitex sa Pool A.

Ang Platinum ay walang talo sa tatlong laro kung saan namayani ito sa Cavitex (21-13), Leg 3 winner Sista Super Sealers (21-17), at Limitless Appmasters (20-12), habang tinapos ng Braves ang kanilang pool campaign na may 2-2 record kasunod ng mga panalo kontra Sista (21-15) at Zamboanga (21-15) at pagkatalo sa Platinum at Limitless Appmasters (21-19).

Sa Pool B, umabante rin ang Leg 2 champion Meralco sa susunod na round makaraang maitala ang 2-0 record.

Pinadapa ng Bolts ang Pioneer Pro Tibay (21-17) at  Barangay Ginebra (21-16).