CAVITE – Rehas na bakal ang binagsakan ng 38-anyos na TESDA student na dating nakulong sa kasong robbery makaraang makumpiskahan ng P1.7 milyong halaga ng shabu sa isinagawang anti-drug operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Barangay Santiago, General Trias City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Pormal na kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 sa prosecutors office ang suspek na si Zandro Onate y Zamora ng Cluster 5 Block 70 Lot 72 Bella Vista Subd. sa nabanggit na barangay.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, lumilitaw na ang suspek ay sinasabing pangunahing nagpapakalat ng shabu sa nasabing barangay kaya ito pinagsabihan ng ilang opisyal ng barangay na tumigil na sa drug trade.
Nabatid din na isinailalim sa surveillance ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng pulisya kung saan nagpositibo ito sa droga kaya isinagawa ang anti-drug operation.
Hindi na pumalag ang suspek makaraang makumpiska ang marked money at 250 gramo ng shabu na may street value na P1.7 milyon.
Pina-chemical analysis sa Cavite Crime Laboratory ang 250 gramo na shabu bilang ebidensya sa kasong kriminal laban sa suspek habang isinailalim naman sa drug test at physical examination si Onate bago dalhin sa police detention facility. MHAR BASCO
Comments are closed.