TEXTERS NAUNSIYAMI SA TWICE-TO-BEAT BONUS

texters

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Rain or Shine vs Meralco

6:45 p.m. – NorthPort vs Ginebra

HINDI binigo ng defending champion Magnolia Hotshots ang mga kababayan ng  kanilang teammate na si Peter June Simon nang pataubin ang Talk ‘N Text, 100-93, sa PBA Governors’ Cup kahapon sa University of Southeastern Philippines sa Davao.

Sa pagkatalo ay naunsiyami ang kampanya ng Tropang Texters para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Umangat ang Hotshots sa 6-5 kartada habang bu­magsak ang Texters sa 7-3.

Naglaro ang dalawang koponan na walang import sa unang apat na  minuto ng fourth quarter at napanatili ng Magnolia ang bentahe hanggang matapos ang laro.

Nagkainitan sina Marc Pingris at KJ McDaniels matapos na sadyain ng TNT import na banggain ang kanyang balikat at natumba ang Magnolia power forward. Mabuti na lamang at naagapan ito ng mga referee at hindi nauwi sa gulo ang laro.

Tinapos ng Magnolia ang elimination sa kartada 6-5 at pasok na sila sa quarterfinals.

Tumipa si Romeo Travis ng  double-double 21 points at 12 rebounds at muling itinanghal na ‘Best Player of the Game’.

Binigyan ni coach Chito Victolero si Simon ng mahabang playing time sa first half para pasayahin ang kanyang mga kababayan. Pina­lakpakan si Simon matapos na ilabas ni Victolero.

Samantala, nasa ika-4 na puwesto, sisikapin ng Barangay Ginebra na mapataas pa ang posisyon sa pagsagupa sa NorthPort, na target ang outright quarterfinals berth sa penultimate play date ng PBA Governors’ Cup eliminations ngayon sa Araneta Coliseum.

Ang Kings ay sumasakay sa momentum ng back-to-back wins laban sa TNT KaTropa at Columbian Dyip habang mataas din ang morale ng Batang Pier kasunod ng krusyal na panalo laban sa NLEX sa kanilang duelo sa alas- 6:45 ng gabi matapos ang sagupaan ng Rain or Shine at Meralco sa alas-4:30 ng hapon.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Magnolia (100) – Travis 21, Banchero 13, Lee 13, Barroca 9, Jalalon 9, Ramos 8, Reavis 7, Pingris 6, Dela Rosa 6, Sangalang 5, Simon 3, Abundo 0.

TNT (93) – McDaniels 33, Parks 21, Pogoy 13, Vosotros 7, Rosario 6, Reyes 4, Digregorio 3, De Leon 2, Williams 2, Wash-ington 2, Taha 0, Semerad 0, Magat 0.

QS: 27-22, 56-41, 79-62, 100-93.