THIRD TRANCHE NG SAP ITUTULAK SA KAMARA

SAP-2

ISUSULONG ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pagkakaroon ng third tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Salceda, irerekomenda niya ang pagkakaroon ng SAP 3 sa ilalim ng ikatlong stimulus package na ipapasok naman sa 2021 national budget.

Iginiit ni Salceda na kung walang ikatlong bugso ng SAP ay po­sibleng lumobo sa 4.2 million na households ang magugutom at mawawalan ng hanapbuhay.

Mahigpit din, aniya, ang pangangailangan na magkaroon ng ikatlong SAP dahil sa inaasahang paglobo ng bilang ng mga mawawalan ng trabaho sa katapusan ng Hulyo na posibleng umabot ng 3.6 million o katumbas ng 1.5 million households.

Sa pagtaya pa ng mambabatas, bago matapos ang third quarter ng taon o sa katapusan ng Setyembre ay madaragdagan pa ang mga manggagawa na walang trabaho ng 1.7 million o katumbas ng 0.9 million households.

Bukas naman, aniya, ang Ehekutibo sa panukalang ikatlong economic stimulus na aabot sa P280 billion na target ipatupad sa huling bahagi ng taon.

Samantala, planong i-adopt ng Kamara ang counterpart sa Senado ng Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE) na P140 billion na siya namang ikalawang stimulus pac­kage.         CONDE BATAC

Comments are closed.