Standings W L
DLSU 9 1
AdU 7 3
UST 7 3
NU 7 3
FEU 5 5
Ateneo 4 6
UP 1 9
UE 0 10
Mga laro sa Sabado:
(Philsports Arena)
10 a.m. – UE vs AdU (Men)
12 noon – UE vs AdU (Women)
2 p.m. – Ateneo vs UST (Women)
4 p.m. – Ateneo vs UST (Men)
WINALIS ng defending champion National University ang Adamson, 26-24, 25-16, 25-22, upang maipuwersa ang three-way tie sa ikalawang puwesto sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Hindi tulad sa kanilang five-set victory kontra Lady Falcons sa first round, magaan na dinomina ng Lady Bulldogs ang laro upang iposte ang ikalawang sunod na panalo.
Higit na naging kapana-panabik ang karera para sa ikalawang twice-to-beat slot sa Final Four dahil tabla ngayon ang NU sa Adamson at walang larong University of Santo Tomas sa No. 2 sa 7-3.
Nanatili ang La Salle sa ibabaw ng standings na may 9-1 record.
Samantala, sinibak ng Ateneo, naghahanda para sa mabigat na two-week stretch na magpapasya sa kanilang Final Four bid, ang University of the Philippines, 25-20, 25-17, 25-22, sa iba pang laro.
Umangat ang sixth-running Blue Eagles sa 4-6, tatlong laro ang layo sa huling Final Four slot.
Nagbuhos si Mhicaela Belen ng 20 points, kabilang ang 2 blocks, at 11 receptions para sa Blue Eagles, habang gumawa si Alyssa Solomon ng 2 blocks para sa 11-point outing.
Nakalikom si rookie Vangie Alinsug, ang isa pang double-digit scorer ng NU na may 10 points, ng match-best three blocks.
Papasok sa huling dalawang linggo ng eliminations, ang Lady Bulldogs ay umaasa na mapakikinis pa ang kanilang laro.
“Siyempre, kami po, hindi kami nakukuntento dapat kahit nanalo kami, dapat tumingin kami po sa brighter side na meron pa kaming kayang i-improve. Like yung errors namin, kaya naming i-minimize eh and yung consistency talaga namin,” sabi ni Belen, kung saan nagbigay ang NU ng 23 points mula sa errors.
“And I think nasa sa amin iyon kung paano didisplinahin yung sarili namin,” dagdag ng reigning MVP.
Kumabig si Rizza Cruz ng 9 points, kabilang ang 2 blocks, upang pangunahan ang Lady Falcons makaraang gumawa lamang ang 1-2 punch nina Trish Tubu at Kate Santiago ng 9 at 6 points, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Faith Nisperos sa scoring para sa Ateneo na may 17 kills at nakakolekta ng 7 digs, nagdagdag si Vanie Gandler ng 9 points habang nag-ambag si Lyann de Guzman ng 8 points at 7 receptions. Nakakolekta si Blue Eagles libero Roma Mae Doromal ng 18 digs at 18 receptions habang gumawa si Taks Fujimoto ng 12 excellent sets.
“We need this win of course if we want to go further. We have to be focused and be committed in every match. Yun lang naman ang mindset namin going into this game,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro.