KUMANA si Paul George ng 36 points at 8 rebounds, habang tumirada si Russell Westbrook ng triple-double na 29 points, 14 assists at 10 rebounds upang tulungan ang Oklahoma City Thunder na igupo ang Portland Trail Blazers, 123-114, noong Martes ng gabi.
Nagdagdag sina Steven Adams at Terrance Ferguson ng tig-14 points para sa Oklahoma City, na pinutol ang three-game losing streak sa Portland sa Chesapeake Energy Arena. Matapos na matalo sa lima sa anim na laro, ang Thunder ay nagwagi ng tatlong sunod at bumalik sa ikatlong puwesto sa Western Conference standings.
Humataw si Damian Lillard ng 34 points at 8 assists, at tumipa si C.J. McCollum ng 31 para sa Portland, na naputol ang three-game winning streak. Gumawa si Jusuf Nurkic ng 22 points at 15 rebounds.
RAPTORS 120, KINGS 105
Umiskor sina Kyle Lowry at Fred VanVleet ng tig-19 points at nag-ambag si Pascal Siakam ng 18 upang pangunahan ang Toronto sa pagbasura sa Sacramento.
Nagtapos si Serge Ibaka na may 15 points at 10 rebounds, at napalawig ng Raptors ang kanilang home winning streak sa 10 games. Ang fran-chise record ng Toronto para sa consecutive home wins ay 12.
Bumanat si C.J. Miles ng season-high ng 15 points, nagdagdag si Norm Powell ng 11 at nalusutan ng Toronto ang pagkawala ni Kawhi Leonard para makopo ang ika-8 panalo sa siyam na laro.
Sa iba pang laro ay pinalubog ng Timberwolves ang Suns, 118-91; at pinatiklop ng Mavericks ang Clippers, 106-98.
Comments are closed.