THUNDER NAKAALPAS SA NETS

thunder

NAISALPAK ni Paul George ang game-winning 3-pointer, may 3.1 segundo ang nalalabi, at tumapos na may season-high 47 points nang maungusan ng Oklahoma City Thunder ang Brooklyn Nets, 114-112, noong Miyerkoles ng gabi.

Binura ng Thunder ang 23-point deficit upang maitakas ang panalo.

Nagdagdag si Russell Westbrook ng 21 points, 17 assists at 15 rebounds para sa kanyang ika-108 career triple-doubles, at nalagpasan si Jason Kidd sa ikatlong puwesto sa all-time list ng NBA, sa likod nina Magic Johnson na nasa ikalawang puwesto, at all-time leader Oscar Robertson.

Naitala ni George, umiskor ng 25 points sa fourth quarter, ang kanyang ika-9 na career 40-point game at ikaapat magmula nang umanib sa Thunder bago ang nakaraang season.

LAKERS 121, SPURS 113

Nagbuhos si LeBron James ng 42 points, kabilang ang 14 na magkakasunod na puntos para sa Los Angeles sa krusyal na bahagi ng fourth quarter,  upang tulungan ang Lakers na malusutan ang bumibisitang San Antonio.

Tabla ang talaan sa 104-104 bago naipasok ni Lonzo Ball ang isang 3-pointer upang bigyan ang Los Angeles ng 107-104 kalamangan, may 2:36  ang nalalabi. Abante ang Lakers sa 112-109,  naisalpak ni James ang isang 3-pointer at isang layup sa sumunod na dalawang possessions ng Los Angeles, pagkatapos ay isang free throw, may 20.8 segundo ang na­lalabi.

Nagdagdag si Kyle Kuzma ng 22 points para sa Los Angeles, na naitala ang ikaapat na sunod na panalo.

Nanguna si DeMar DeRozan para sa Spurs na may 32 points, habang umiskor si Rudy Gay ng season-high 31 points. Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng  21 points para sa San Antonio, na nalasap ang ikaapat na talo sa limang laro.

WARRIORS 129, CAVALIERS 105

Nagpasabog si Stephen Curry ng 42 points, at naitala ni Kevin ­Durant ang 15 sa kanyang 25 points sa third quarter nang pataubin ng Golden State ang host Cleveland sa rematch ng NBA Finals noong Hunyo.

Naghabol ang War­riors, winalis ang Cavaliers sa Finals para sa ikalawang sunod na titulo, sa 64-58 sa halftime bago bumanat ng 37 points sa third quarter tungo sa nine-point lead.

Naipasok ni Durant ang tatlong 3-pointers, habang bumuslo rin si Curry ng isang tres bilang bahagi ng kanyang ‘big night’ na kinabilangan ng 25 first-half points.

NUGGETS 124, MAGIC 118 (OT)

Nakalikom si Jamal Murray ng 31 points at 8 assists, at kinailangan ng bumibisitang Denver ng overtime upang mapalawig ang kanilang winning streak sa pitong laro sa pamamagitan ng panalo laban sa Orlando.

Nagdagdag si Nikola Jokic ng 12 points, 13 assists at 8 rebounds para sa  Denver, at umiskor si Paul Millsap ng 18 points.

Tumipa si Evan Fournier ng 26 points para sa Orlando subalit na-foul out, may dalawang minuto ang nalalabi sa overtime.

RAPTORS 113, 76ERS 102

Tumirada si Kawhi Leonard ng 36 points, humugot ng siyam na rebounds at nagdagdag ng limang steals upang tulungan ang Toronto na mamayani laban sa bumibisitang Philadelphia.

Ito ang ika-13 sunod na panalo ng Raptors laban sa 76ers sa home, kabilang ang dalawa ngayong season.

Nag-ambag si Jonas Valanciunas ng 26 points at 8 rebounds sa loob lamang ng 18 minuto mula sa bench, habang tumipa si Serge Ibaka ng 18 points at 8  rebounds para sa Raptors,  na nanalo ng siyam sa kanilang nakalipas na 10 laro.

Sa iba pang laro: Wizards 131, Hawks 117; Bucks 115, Pistons 92; Grizzlies 96, Clippers 86; Timberwolves 121, Hornets 104; Pelicans 132, Mavericks 106.

Comments are closed.