KUMAMADA si Giannis Antetokounmpo ng 29 points at kumalawit ng 19 rebounds nang gapiin ng Milwaukee Bucks ang bisitang Oklahoma City Thunder, 98-85, noong Biyernes (US time) para putulin ang five-game losing streak.
Hindi pa natatalo ang Bucks ng anim na sunod magmula noong March 2015.
Ang 98 points ng Milwaukee ang second-lowest nito sa season, subalit napunan ito ng Bucks sa depensa.
Nakontrol ng Bucks ang laro sa pamamagitan ng 21-5 run sa pagsisimula ng third quarter, kung saan nagtala ito ng 9 of 12 mula sa field sa first seven-plus minutes.
SUNS 132,
PELICANS 114
Umiskor si Devin Booker ng 23 points at nagdagdag sina Chris Paul at Deandre Ayton ng double-double upang tulungan ang bisitang Phoenix Suns na maitakas ang 132-114 panalo kontra New Orleans Pelicans.
Naghabol ang Suns ng 11 points sa pagtatapos ng third quarter, subalit na-outscore ang Pelicans, 41-12, sa fourth quarter upang kunin ang ika-7 panalo sa 8 laro.
Nakalikom si Paul ng 15 points at 19 assists, at nag-ambag sina Ayton ng 16 points at 16 rebounds, Jae Crowder ng 20, Frank Kaminsky ng 17 at Cameron Johnson ng 13.
CELTICS 121,
HAWKS 109
Nagbalik si Kemba Walker mula sa one-game sabbatical upang kumana ng season-high 28 points at pagbidahan ang Boston Celtics sa 121-109 panalo laban sa bisitang Atlanta Hawks.
Hindi naglaro si Walker sa una sa two-game series laban sa Atlanta para sa load management ng kanyang kaliwang tuhod, sa larong natalo ang Celtics. Naiatala niya ang 20 sa kanyang mga puntos sa first half noong Biyernes kung saan naitarak ng Boston ang 25-point halftime lead.
Si Walker ay season-high 10-for-16 mula sa floor, kabilang ang limang i3-pointers, at nagdagdag ng 5 rebounds, 6 assists at 3 steals. Nagtala rin siya ng isang blocked shot.
76ERS 112,
BULLS 105
Nagbuhos si Joel Embiid ng career-high 50 points kasama ang 17 rebounds, 5 assists at 4 blocked shots upang bitbitin ang host Philadelphia 76ers sa 112-105 panalo kontra Chicago Bulls.
Si Embiid ay 17 of 26 mula sa field at 15 of 17 mula sa free-throw para sa unang 50-point game ng kanyang career.
Nagdagdag si Tobias Harris ng 22 points, 12 rebounds at 7 assists para sa Sixers na nakakuha rin kina Danny Green ng 13 points at Dwight Howard ng 10 rebounds mula sa bench.
MAGIC 124,
WARRIORS 120
Isinalpak ni rookie Chuma Okeke ang dalawang krusyal na 3-pointers sa isang late rally na naging tuntungan ng host Orlando Magic para maitakas ang 124-120 panalo kontra Golden State Warriors.
Naiposte ni Nikola Vucevic ang kanyang ikatlong career triple-double na may 30 points, 16 rebounds at 10 assists. Nagdagdag sina Evan Fournier ng 28 points at Terrence Ross ng 24 para sa Magic, na nabitiwan ang 17-point lead bago humabol sa 13-point deficit sa fourth quarter.
Nakakolekta si Stephen Curry ng 29 points at 11 assists para sa Warriors, na tinalo ang Magic, 111-105, noong Feb. 11 sa San Francisco. Tumipa si Curry ng 40 points sa naturang laro.
Sa iba pang laro ay humataw si Jamal Murray ng career-high 50 points nang dispatsahin ng bisitang Denver Nuggets ang Cleveland Cavaliers., 120-103.
Comments are closed.