TIGERS KAKAPIT SA NO. 2

tiger

Standings

W            L

Ateneo                 4              0

UST                        3              1

UP                          2              1

AdU                       2              2

FEU                        1              2

DLSU     1              2

UE                          1              3

NU                         0              3

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10:30 a.m. – UP vs NU (Men)

12:30 p.m. – AdU vs UST (Men)

4 p.m. – FEU vs DLSU (Men)

SISIKAPIN ng University of Santo Tomas at University of the Philippines, kapwa galing sa thrilling overtime victories nitong weekend, na manatiling nakadikit sa defending champion Ateneo sa magkahiwalay na laro sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Makakasagupa ng Growling Tigers ang unpredictable Adamson sa alas-12:30 ng tanghali, habang mapapalaban ang Fighting Maroons sa inaalat na National University sa 10:30 a.m. curtain-raiser.

Magpapambuno naman ang struggling squads La Salle at Far Eastern University sa alas-4 ng hapon.

Ang UST ay kasalukuyang nasa ikalawang puwesto na may 3-1 record, kasunod ang UP na may 2-1 sa ikatlong puwesto.

Ang powerhouse Blue Eagles ang nangunguna sa standings na may 4-0 marka.

Batid ni coach Aldin Ayo na kailangang itaas ng Tigers ang lebel ng kanilang laro kontra Falcons makaraang malusutan ang Bulldogs, 87-74, sa overtime noong Linggo.

“Nasa learning process pa kami. Kailangan pa naming matuto nang matuto, eh. Against Adamson? Ang una muna naming iisipin ay kung paano maka-recover ‘yung mga katawan ng mga bata kasi two days lang,” ani Ayo.

“(Soulamane) Chabi (Yo) played 39 minutes tapos si Mark (Nonoy) nag-cramps pa. So. ‘yung priority namin ngayon is how to, paano maka-recover ‘yung mga player namin physically,” dagdag pa niya.

Buo ang puwersa ng Maroons, sa pangunguna ni highly-regarded newcomer Kobe Paras na humataw ng 20 points noong Linggo.

Ang Tamaraws at Green Archers ay nasa lower half ng standings na may magkatulad na 1-2 kartada.

Sisikapin ng FEU na makabawi mula sa 46-63 pagkatalo sa Ateneo noong Sabado, ang parehong araw na nasilat ang La Salle, 88-89, sa University of the East.

Comments are closed.