TIGIL-PASADA IKINASA KONTRA JEEPNEY PHASEOUT

Efren De Luna

ISANG malawakang  tigil-pasada sa buong bansa ang nakatakdang paputukin ng mga militanteng transport organization sa Sept. 30 bilang pagpapakita ng kanilang tahasang  pagtutol sa isinusulong na phaseout ng kanilang mga sasakyan sa susunod na taon.

Kabilang sa mga nakatakdang lumahok sa ikinasang transport strike ang mga grupo ng Piston, Stop and Go at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).

Ayon kay Efren De Luna, taga-pangulo ng grupong ACTO, tahasang tinututulan ng transport sectors ang mandato ng pamahalaan na bago mag-Hulyo 2020 ay palitan ng lahat ang mga lumang jeep ng mga makabagong mo­delo na tinatayang nagkakahalaga ng P2.5 milyon bawat isa.

“Ano ang  kakayahan ng jeepney driver, operator sa ganoong klaseng halaga?” pahayag pa ni  De Luna.

Bukod dito, hindi rin umano kakayanin ng mga operator at driver na makapangutang sa mga bangko partikular sa Land Bank dahil maraming requirements ang hinihingi.

Kaugnay nito, naglalatag din ang ilang transport organization ng ibang alternatibo para makatugon sa gusto ng pamahalan.

Sinasabing may nahanap na umano sila na ibang financier para sa 24-seater na Euro 4 compliance na modelong at nagkakahalaga lamang umano ito ng P1.3 milyon.

“Bakit pinipilit tayo sa sistemang Php 2.5 million na gawa pa sa ibang bansa?” pahayag pa ni De Luna.

“Hindi naman kami tumututol [sa jeepney modernization]… Ang pinakaproblema lang natin iyong implementation.” dagdag pa nito. VERLIN RUIZ

Comments are closed.