TIGIL-PASADA NAKAAMBA

NAGBABALA ang magkakaalyadong transport group na Magnificent 7 (M7) na magsasagawa ng tigil-pasada sakaling balangkasin ng Senado ang resolusyon na suspindehin ang PUV Modernization.

Ang M7 ay binubuo ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (ALTOP), Pasang Masda, Altodap, Fejodap, ACTO, Stop & Go, at UV-Express Federation of the Philippines.

Sinabi ni Ka Obet Martin ng Pasang Masda at spokesperson ng Magnificent 7 na gagawin lamang nila ang tigil-pasada bilang huling hakbang upang pigilan ang suspensiyon sa PUV Modernization.

Paliwanag ng grupo na 81% na sa transport groups at miyembro ang nag-comply sa hangarin ng pamahalaan kaya dapat nang ituloy ito.

“81% na kami na sumugal at nagbabayad para sa modernization na ligtas, affordable at good service, at sana kinonsulta kami ni Honorable Senate President Chiz Escudero bago niya sinabi na gagawa ng resolusyon at ibibigay pa sa Pangulobg Marcos para matiyak na masususpendi ang modernization,” ayon kay Ka Obet.

Inamin ng grupo na nadismaya sila dahil mas marami sila na 81% kaysa 19% na sang-ayon sa modernization pero mas pinakinggan at kinampihan ng Senado ang minorya.

“Hindi katanggap-tanggap ang balak nilang resousyon, paano naman kami na sumugal sa modernkzation?” giit pa ng grupo.

Paglilinaw pa ng M7 na suportado nila ang pamahalaan at ang tangi nilang hiling ay matuloy na ang modernisasyon.
Sa panig naman ng commuters’ group sa pamumuno ni Elvira Medina, nakikipag-ugnayan sila sa transport group sakaling may amba ng tigil-pasada subalit tinitiyak na suportado nila ang modernization na matagal na nilang hangad at handang lumagda sa babalangkasing manifesto gamit ang sariling dugo para tutulan ag resolusyong pipigil para sa makabagong sistema ng transportasyon.
EUNICE CELARIO