TIGILAN ANG PAGKAKALAT NG MALING IMPORMASYON TUNGKOL SA NCOV

Joes_take

ENERO pa lang ng bagong taon at bagong dekada pero ang dami na na­ting mga pinagdaanang krisis. Sinimulan ito ng tensiyon sa Iran, sumunod naman dito ang biglaang pagputok ng Bulkang Taal, sinundan ng pagpanaw naman ng isa sa pinakamaga­ling na basketbolista, at pinakahuli ay ang pinakamasamang pagpe-peste ng African locust na naitala sa loob ng ilang dekada.

Sa pakiramdam ng lahat, napakahaba ng ­Enero at tila hindi na ito matatapos, pero nalagpasan natin ito at ngayon naman ay nasa buwan na tayo ng mga puso, pero hindi pa tayo maaaring makahinga at mapalagay nang maigi dahil mayroon pang isang problema na ating dapat harapin.

Ang buong mundo ay ginambala ng nakamamatay na 2019 no­vel  coronavirus (nCoV)  na nagsimula sa Wuhan, China at nagdulot ng matinding pangamba sa buong mundo, lalo na sa Asya.

Habang aking isinusulat ito, ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng nCoV sa China ay umabot na sa mahigit 28,000 na mas marami na sa naitalang kaso ng naapektuhan ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) sa nasabing bansa noong 2002-2003.

Ang bilang ng naitalang kaso ng SARS ay nasa 5,327 sa mainland China noong nagkaroon ng SARS epidemic, at ito ay kumitil ng higit sa 770 na katao sa buong mundo, kasama na rito ang 349 sa mainland China. Sa ngayon ay may naitala pang karagdagang 3,000 bagong kaso ng nCoV at may bilang na 563 na nasawi dahil sa sakit na ito.

Ang bagong virus na ito ay kumalat sa higit 15 bansa simula nang lumabas ito mula sa Wuhan bago matapos ang taong 2019, at karamihan sa mga nasawi dahil dito ay nagmula sa bansang China.  Ipinatupad din noong nakalipas na linggo ang transport ban papasok at palabas ng Wuhan na nag-iwan ng higit sa 50 milyong kataong hindi makaalis mula sa lugar na ito.

Ang mga malalaking bansa katulad ng Japan at Estados Unidos ang naunang nag-utos ng pag-evacuate ng kanilang mga ma-mamayan mula sa Wuhan.  Sumunod naman dito ang European Union at South Korea, samantalang ang ibang mga bansa ay tinitim-bang pa kung ano ang kanilang mga posibleng gawin.

Sinabi rin ng ating Department of Foreign Affairs na nakahanda na silang i-evacuate ang halos 300 na mga Pinoy mula sa Hubei province, at 150 naman mula sa Wuhan City, pero kailangan pa munang obserbahan at sundin ang alituntunin ng China sa disease containment, clearance sa immigration, at ang quarantine process.

Noong magkaroon ng alitan sa pagitan ng USA at ng Iran noong Enero, mabilis na naihanda ang budget upang ma-repatriate ang ating mga OFW na nasa Middle East.  Bakit kaya hindi gawin ang parehas na aksiyon upang maiuwi ang ating mga kababayan na naipit sa Wuhan?  Mas mataas naman ang pagkakataong mahawa sila sa bagong virus na ito kumpara sa tsansang tamaan ng missiles sa Iran.

Ang ating Department of Health (DOH) naman ay doble kayod sa mga panahong ito, kung saan may 48 kataong inoobserbahan kung magpo-positibo sa Wuhan coronavirus infection.  Magandang balita rin naman na may 30 katao na nag-negative sa nasabing infection.  Ngunit sa kasamaang-palad naman ay mayroong naitala na isang nasawi ng dahil sa virus na ito.

Pinupuri ko ang DOH sa kanilang pagiging proactive at agresibo sa pag-harap sa seryosong sitwasyong ito kung saan sila ay nagkaroon ng mahaba at intensibong evaluation ukol sa coronavirus.  Nabanggit ni DOH Secretary Francisco Duque III na mababa ang fatality rate ng nCoV na sa kasalukuyan ay mas mababa sa 3%.

Ayon naman kay Se­nator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, mabilis ang naging aksiyon ng ating gobyerno ukol sa nCoV.  Aniya, “despite criticisms, the President believes that this government has acted swiftly and has made timely and informed decisions to protect our country.”  Maganda rin ang kanyang naging panawagan sa lahat, “Pakiusap ko po, tumulong na lang tayo.  Unahin natin ang kapakanan, kalusugan at interes ng bawat Filipino.  Sa panahong tulad ngayon na ikinakakaba natin ang magiging kala-gayan ng ating pamilya at mga mahal sa buhay, dapat ay mas lalong magtulungan tayo.  Magkaisa at magbayanihan tayo para sa ikabubuti ng bawat Filipino.”

Sumasang-ayon ako na hindi dapat mag-panic ang publiko, magtulungan na lang at maging maingat tayong lahat, lalo na ang mga may history ng respiratory problems, kasama na rito ang mga may edad na.  Ang anak ko na isang doktor ay nagsabi rin na it is better to be safe than sorry. Kaya ating obserbahan at sundin ang kultura ng pagiging masinop at malinis upang masiguro na hindi na kumalat ang iba’t iba pang klase ng impeksiyon.

Kaugnay nga ng nabanggit ni Senator Go, nakita naman natin ang naging aksiyon ng ­ating gobyerno tungkol sa virus na ito. Sinuspinde ng Bureau of Immigration ang pagbigay ng visa sa mga Chinese national pagdating dito sa bansa at pansamantalang pinigilan ang mga group tour.  May isang cruise ship mula Hong Kong kung saan daan-daang Chinese nationals ang nakasakay rito ang  hindi pinahintulutang dumaong sa Subic noong isang linggo.  Binalaan din ng DOH ang mga Filipino na ipagpaliban muna ang pagbiyahe sa bansang China, kung hindi naman ito importanteng lakad.

Hindi naman sa pananakot, pero mayroong datos na nahagilap ang mga Canadian researcher na ang 2019-nCoV ay makaaapekto sa libo-libong katao at maaring tumagal ng ilang buwan.  Ayon kay Alessandro Vespignani, propesor sa Northeastern University sa Toronto, ang 2019-nCoV ay isang virus na hindi matatapos o mawawala sa isang linggo, o sa susunod na buwan.

Sa tingin ko naman ay masyado pang maaga para ikumpara ang coronavirus sa SARS, pero ayon kay David Fisman, propesor ng University of Toronto na siyang nag-analyze ng virus para sa International Society for Infectious Diseases “The more we learn about it, the more it looks like SARS,” at kanyang idi­nagdag na kung ang SARS ay ­ating nasugpo, malamang pati itong corona-virus ay makaka­yanan din nating sugpuin.  Ngunit hindi pa natin ito malalaman sa loob ng ilang linggo. “It’s going to be many weeks, pro­bably months, and nobody knows where this will go,” sabi niya.

Ang pagkalat ng nasabing virus ay nagdulot ng bagabag at pangamba dito sa ating bansa, at sa ating mga kababayan na na­ngibang bansa na.  Maging ang Disneyland sa Hong Kong ay pansamantalang nagsara upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa kanilang mga parokyano at mga ­empleyado.  Ibig sabihin na nga lang din nito ay ang ating mga kababayan na nagtatrabaho bilang mga talent ay mapipilitang umuwi muna sa ating bansa at pansamantalang mawawalan ng kita hanggang hindi nareresolba itong krisis na ito.

Isa ring pakiusap ni Senator Bong Go ka­makailan na ating tigilan ang pagpapakalat ng fake news at ang ating gawin na lang ay magtulungan upang pakalmahin ang mga tao. Nakikisama ako sa kanyang pana-wagan tungkol dito, na sa halip na pagtuunan natin ng panahon ang pagpapakalat ng mga fake news, ay tumulong na lang tayo at magbayanihan upang ating malampasan ang krisis na ito.

Comments are closed.