TIGILAN NA ANG PAGGAMIT NG PLASTIK

Joes_take

BILANG bahagi ng kanilang mga sustainability initiative, lumahok ang Meralco sa kampanya ng gobyerno para iligtas ang kalikasan sa pamamagitan ng pagbabawal sa paggamit o pagdadala ng mga single-use plastic (SUP), polystyrene foam o styrofoam, at iba pang mga katulad na bagay,  sa kanilang mga opisina at mga corporate event simula noong October 1, 2019.

Kamakailan lang ay inanunsiyo naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuporta niya na ipagbawal ang mga plastik na materyales upang makabawas sa polusyon at mailigtas ang kalikasan mula sa malawakang pagkasira.

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Atty. Salvador Panelo, napaisip ang Pangulo kung dapat ba niyang i-certify as urgent ang bill ng pagbabawal sa paggamit ng plastik dahil sa malubhang nai­dudulot ng mga ito sa ating kapaligiran.

“The President has floated that idea.  It’s for the members of Congress to adopt it, use their initiative to have that kind of idea bear fruition,” sabi ni Atty. Panelo sa isang panayam.

Sa halos limang dekada, integral na parte ng ating buhay ang paggamit ng mga bagay na gawa sa plastik.  Mula sa mga kasangkapan sa bahay hanggang sa mga plastik bag para sa groceries, sa mga piyesa ng sasakyan hanggang sa laruan ng mga bata, eh talagang naging bahagi na ito ng ating buhay.  Ngunit kung noon ay talagang nakasanayan na at tanggap ang kahalagahan nito sa mundo, ngayon naman ay ang kabaligtaran dahil sa malubhang pinsala na ­maaaring idulot nito sa ating kalikasan.

Alam naman na­ting lahat na hindi biodegradable ang plastik, ibig sabihin nito ay ang itinapon nating mga plastik ay hindi matutunaw at mananatili lang dito sa ating kapaligiran sa loob ng ilan pang dekada.

Ang tantiya ng iba ay halos apat na ­milyong toneladang basura ang nakakalap kada araw sa buong mundo, halos 12.8% nito ay gawa sa plastik na siyang sumisira sa ating mga lupain, hangin, at katubigan.  Ang mga plastik na itinapon sa mga landfill ay nagko-contaminate ng mga masasamang kemikal sa lupa at tubig, samantalang ang masamang epekto naman nito sa ating mga karagatan ay hindi kayang sukatin.

Nais gawan ng mga kaukulang hakbang ng House Committee on Natural Resources ang pagbabawal sa paggamit ng mga plastik sa bansa.  Sa kabuuan, napakagandang hakbang ito para sa ating bansa at sa ating kalikasan.

Sakto lang din ang timing ng pagkilos ng ating gobyerno laban sa paggamit ng mga plastik, na sumabay rin naman sa inisyatibo ng Meralco na ipagbawal ang mga SUP.

Kailan lang ay nakausap ko si DENR Undersecretary Benny Antiporda na pinuri ang pagkilos ng Meralco laban sa paggamit ng plastik. Si Usec Antiporda ang siyang nangunguna sa solid waste management efforts ng ating gobyerno. Nabanggit niya na ang pagtigil sa paggamit ng plastik ay mahalagang panimula upang pangalagaan ang ating kalikasan. Bukod dito, mahalaga rin na magkaroon ng isang matindi at epektibong waste ma­nagement system.

Ayon kay Usec ­Antiporda, kritikal ang pagsulong ng isang efficient na waste management system.  Sa katunayan, ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay nagbibigay ng isang comprehensive ecological solid waste management program sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kinakaila­ngang mekanismo at insentibo, paglalaan ng pondo, pagbabawal sa maling mga gawain, at pagtakda ng mga multa sa mga lalabag sa batas na ito.

Kailangang magtulong-tulong tayo at itulak ang pagsunod sa batas na ito.

Sang-ayon ako kay Usec Antiporda na dapat makipagtulungan ang pribadong sektor sa ­ating lokal na pamahalaan at bumuo ng solid waste management plan.  Ang unang hakbang dito ay ang paglapit nila sa Solid Waste Ma­nagement Division ng DENR.

Hinihimok ni Usec Antiporda ang  local government units (LGUs) na bumuo ng kani-kanilang 10-year solid waste management plan upang makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.  Kapag ito ay na-develop at naipatupad na, doon lang natin makakamit ang ating mga pangarap na magkaroon ng isang malinis na bansa.

Bukod sa pagbawas ng kanilang kontribusyon na plastik sa mga landfill, layunin din ng Meralco na turuan ang mga empleyado at mga ka-negosyo nito ng tamang paraan ng  pag-dispose ng mga plastik para sa isang sustainable na ekonomiya, at maging udyok na rin para sa isang lifestyle change.

Ayon sa isang report ng United Nations Environment Program, hindi na makasabay ang buong mundo upang ma-dispose ang mga basurang gawa sa plastik. Halos 9% lang ng 9 trilyong kilo ng na-produce na plastik sa mundo lamang ang nai-recycle.  Ang hindi nai-recycle naman ay naiiwan lang sa mga landfill, tambakan, o kung saan-saan na lang.

Kung walang pagbabago sa ating mga gawain, sa taong 2050 ay tinatayang magkakaroon na ng halos 12 trilyong kilo ng basurang gawa sa plastik ang matatag­puan sa mga tambakan at sa aking kapaligiran.

Hindi lang naman tayo ang nagsisimulang kumilos laban sa plastik, mayroon ding mga pagkilos na nagaganap sa buong mundo.

Kagaya ng aking sinabi sa nauna kong column, napakasarap makita kung paano kumilos ang ibang mga bansa at siyudad upang protektahan ang ating kalikasan at labanan ang polusyon.

Marami nang mga pagsisikap at pagkikilos ang naganap upang mabawasan ang polusyon na naidudulot ng paggamit ng plastik. Umaasa ako na magkakaisa ang lahat at magtutulungan kung paano mabisang masolusyunan ang ­ating problema sa plastik upang mapangalagaan ang ating kalikasan hindi lang para sa atin, kundi para sa mga susunod pang henerasyon.

Comments are closed.