Mga laro sa Miyerkoles:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – DLSU vs FEU (Men)
12 noon – UE vs UST (Men)
2 p.m. – DLSU vs FEU (Women)
4 p.m. – UE vs UST (Women)
WINALIS ng University of Santo Tomas ang National University, 25-19, 25-23, 25-22, sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.
Nagpamalas si rookie Angeline Poyos, napanatili ang kanyang stellar play sa preseason para sa Tigresses, ng solid debut na may 16 points, kabilang ang 3 blocks.
“First UAAP game, nandoon pa rin ‘yung pressure, nangangapa,” sabi ni Poyos. “Pero for me, hindi pa ako satisfied sa inilaro ko ngayon and I told sa sarili ko na makakabawi ako, and makaka-adjust ako sa mga susunod pang mga games.”
Umiskor sina Jonna Perdido at Regina Jurado ng tig-12 points, habang nagpakawala si Cassie Carballo ng 4 service aces, kumana ng 2 blocks at gumawa ng 20 excellent sets para sa UST.
Ang straight set win ng Tigresses laban sa Lady Bulldogs, ang 2022 champions at runner-ups noong nakaraang season, ay isang bagay na ikinatuwa ni coach Kungfu Reyes.
“Medyo ano, doon sa result ng laro nagulat ako. Pero doon sa nilaro nila, hindi ako nagugulat dun kasi ganun kami mag-ensayo. Talagang ano lang, maganda ‘yung gising namin, A-game,” ani Reyes, ang second longest tenured coach ng liga.
Wala na sina Eya Laure, Imee Hernandez at Milena Alessandrini, ngunit ngayon pa lamang ay nakikita nang title contenders ang UST.
Pinanood ni Laure ang season-opening triumph ng Tigresses sa stands kasama si legendary Sisi Rondina.
Nagposte si Alyssa Solomon ng16 points, kabilang ang 2 blocks, habang nagdagdag si Vangie Alinsug ng 11 points para sa Lady Bulldogs. Nakakolekta si dating MVP Bella Belen ng 9 points at 17 digs.
Nauna rito, kumana si Gerzel Petallo ng 16 points, kabilang ang 4 blocks habang nagpakawala si Chenie Tagaod ng 12 kills nang pataubin ng Far Eastern University ang University of the Philippines, 25-23, 25-21, 25-18.
Tinalo ni Lady Tamaraws’ Manolo Refugia si Fighting Maroons counterpart Oliver Almadro sa duelo ng mga bagong coach.
“Siguro same feeling nung time ko na naglalaro ako. Exciting siya and mas iba ngayon kasi sideline, mas intense, mas popular na yung volleyball ngayon kaya nakaka-overwhelm para sa mga players, sa lahat ng teams. Masaya, masaya yung feeling,” sabi ni Refugia.