(Tinanggap ng PH noong 2022) $32.4-B LOANS, GRANTS

NEDA

MAHIGIT sa $32 billion na official development assistance (ODA) loans at grants ang tinanggap ng Pilipinas noong nakaraang taon, ayon sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa 2022 ODA Portfolio Review report, sinabi ng NEDA na ang aktibong ODA portfolio ng loans at grants ng bansa ay umabot sa $32.40 billion, bahagyang tumaas mula sa $32.24 billion na naitala noong 2021.

Batay sa report, ang Pilipinas ay tumanggap ng 106 loans na nagkakahalaga ng $30.20 billion, at 320 grants na katumbas ng $2.20 billion noong 2022.

Ang naturang mga pondo ay nagmula sa 20 development partners, sa pangunguna ng Asian Development Bank (ADB) na may pinakamalaking kontribusyon, na bumubuo sa 33 percent ng kabuuang ODA sa bansa.

Sa isang statement, sinabi ng NEDA na ang portfolio ay nagpapakita ng inisyatibo ng pamahalaan para ipagpatuloy ang paglalatag ng mga programa upang matugunan ang socioeconomic scarring na dulot ng pandemya.

Noong nakaraang taon, ang pamahalaan ay tumanggap lamang ng apat na program loans na nagkakahalaga ng $1.02 billion para sa COVID-19 response at recovery.

Bumaba ito mula sa 15 COVID-19 loans na tinanggap noong 2021.

“The significant reduction in ODA devoted to addressing damages brought by Covid-19 reflects the country’s transition towards the new normal and is now focusing on achieving growth in the post-pandemic world,” sabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

Ang infrastructure sector ay tumanggap ng $16.07-billion ODA noong 2022.

Ang halaga ay ginamit para suportahan ang “Build Build Build” infrastructure program ng Duterte administration, na ipinagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng “Build Better More” infrastructure program.

Kabilang sa big-ticket projects na ito ang Capacity Enhancement of Mass Transit Systems sa Metro Manila Light Rail Transit Line 1 South Extension; Cebu-Mactan Bridge and Coastal Road Construction Project; at ang Second Health System Enhancement to Address and Limit Covid-19.

Ang iba pang mga sektor na tumangap ng malaking halaga ng ODAs ay ang governance and institutions development (USD7.16 billion), social reform and community development (USD6.14 billion), agriculture, agrarian reform, at natural resources (USD2.66 billion), at industry, trade and tourism (USD370 million).

“In line with the goal of enabling sustainable growth and significantly reducing poverty, the ODA acquired in 2022 underscores the government’s continued emphasis on developing robust infrastructure, fostering good governance, promoting social reforms, enhancing agriculture and natural resources, and driving industry, trade, and tourism for comprehensive and sustainable development,” wika ni Balisacan.

“Ultimately, the government’s continuous efforts to maximize the benefits of foreign assistance will pave the way to the country’s transition to an upper middle-income economy,” dagdag pa niya.

(PNA)