(Tiniyak na maibabalik bago ang 2022 elections) POWER SUPPLY SA ‘ODETTE’-HIT AREAS

Felix William Fuentebella

GANAP nang maibabalik ang supply ng koryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao bago ang May 9, 2022 elections, ayon sa Department of Energy (DOE).

“Some portions of Southern Cebu, Southern Leyte, Northern Mindanao, and Palawan, are still challenging areas to reach… Will this carry on until the elections? I don’t think so. When the election period comes, I believe it will be back to normal,” wika ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella sa isang virtual press briefing.

Ayon kay Fuentebella, dumarami ang volunteers na tumutulong para maibalik ang transmission lines.

Aniya, mula sa 1,400 volunteers na kanilang iniulat noong Disyembre 23 ay tumaas ito sa 2,000 nitong Disyembre 25.

Dagdag pa niya, nagbubukas na rin ang mga ruta mula Manila patungong mga lugar na hinagupit ng bagyo.

Sa report ng National Electrification Administration (NEA), hanggang Disyembre 24, nasa P1.562 billion na halaga ng assets ng electric cooperatives sa mga apektadong lugar ang winasak ng bagyo.

Ayon sa NEA, 3.9 million kabahayan ang apektado habang ang serbisyo sa 40% o 1.5 million na kabahayan ay naibalik na.

Samantala, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang actual demand sa Visayas hanggang Sabado ng umaga ay nasa 726 megawatts (MW) habang ang available generation capacity ay 125 MW.

Ayon sa NGCP, nagpapatuloy ang  restorasyon ng transmission lines sa mga naapektuhan ng bagyo kung saan target nitong maibalik ang nalalabing lines sa kalagitnaan ng Enero sa susunod na taon.