TINIYAK ng Bangko Sentral ng Pilipinas(BSP) sa publiko na nananatiling “safe and sound” ang Philippine banking system sa gitna ng mga alalahanin hinggil sa global financial network.
Ginawa ng central bank ang pahayag kasunod ng pagbagsak ng dalawa sa major banks ng United States — ang Silicon Valley Bank at Signature Bank.
Samantala, sinabi ng Switzerland-based Credit Suisse na uutang ito ng $53.7 billion (tinatayang ₱2.9 trillion) mula sa Swiss National Bank, sa pag-asang muling matiyak sa mga investor na mayroon itong sapat na pondo para makapagpatuloy sa operasyon.
Iginiit ng BSP na ang Philippine banks ay walang anumang material exposure sa mga naluging institusyon sa labas ng bansa.
“We have shown our resilience through the pandemic, and we continue to be strong in the face of the ongoing turbulence in the global markets,” pahayag ng central bank.
Gayunpaman, sinabi ng BSP na sinimulan na ng banking supervisory authorities na tugunan ang potential contagion risk mula sa pagsasara ng mga bangko.
“Our longstanding efforts in consultation with the industry in setting prudent standards and executing risk practices remain the key pillar in safeguarding the interests of the Filipino people,” dagdag ng BSP.