WALANG nakikitang kakulangan sa suplay ng baboy si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr sa mga darating na buwan sa kabila ng pagkalat ng African swine fever (ASF) sa ilang bahagi ng bansa.
Sa sidelines ng pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang P200.2-billion na budget ng Department of Agriculture para sa 2025, sinabi ni Laurel na ang ASF-related lockdowns ay farm-based.
“Wala naman akong nakikitang perceived shortage. Kasi ang mangyayari ngayon, ‘yung mga let’s say katulad sa mga munisipyong merong ASF, hindi naman total na ila-lockdown at walang lalabas,” ani Laurel.
“It’s farm-based ang lockdown ngayon. Hindi naman buong municipality o buong probinsya. Kaya magkakaroon pa rin ng movement,” dagdag pa niya.
Tiniyak ni Laurel na hindi magpapatupad ang DA ng istriktong lockdown na ipinatupad nang kumalat ang ASF sa ilang lalawigan noong 2019.
“We have learned from 2019 na yung dating in-implement ay masyadong istrikto. We have come to understand ASF as a disease,” sabi pa ni Laurel.
Ang mga apektadong hog raiser ay tatanggap ng bayad-pinsala mula sa DA.
Ang mga kinatay na biik ay babayaran ng P4,000 bawat isa; medium-sized hogs, P8,000; at malalaking baboy, P12,000.
Sinabi pa ng kalihim na hindi maaapektuhan ang suplay ng baboy dahil nagpapatupad din ang DA ng hog repopulation program at tuloy-tuloy ang pag-angkat.
“Tuloy-tuloy pa rin ang importation. It’s not being controlled in any way ng baboy. Market forces will dictate kung nakikita may shortage nang konti. And the importers will just import. Wala kaming control diyan. The law does not allow the DA to control the quantity na puwedeng import at wala,” aniya.
Sinabi rin niya na ang ASF ay hindi dapat makaapekto sa presyo ng baboy.
“No reason really to increase prices,” pagbibigay-diin ni Laurel.