WALA pang kaso ng foot and mouth disease sa mga hayop sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni DA Assistant Secretary Dante Palabrica na nakahanda naman ang ahensiya na tumugon sakaling may mapaulat na kaso.
Aniya, ang mga kaso ay napaulat sa India, Vietnam, Thailand, at Indonesia.
“Right now, we have activated a system of reporting so that at the southern part of the country, mache-check natin ang pagpasok ng foot and mouth (disease,)” sabi pa ni Palabrica.
Dagdag pa niya, bumuo na siya ng isang technical working group na magbabantay sa isyu.
Inaasahan ding darating na ang mga bakuna laban sa foot and mouth disease sa Hunyo.
“We’re now studying na mag-stockpile ng bakuna ng foot and mouth (disease). It’s in process by now. Para ‘pag pumutok, meron tayo agad bakuna. Ring vaccination. Ang nangyari sa Indonesia, it took them three months bago maka-react at makakuha ng bakuna,” ani Palabrica.
Nang tanungin kung nakapasok na sa bansa ang sakit, tiniyak ni Palabrica na hindi pa.
“’Pag pumasok ‘yan, knock on wood, tatamaan ang cattle at saka baboy. Kung tatama ngayon, easily we can buy the vaccine. There are three companies available.”
Paliwanag pa ng opisyal na maraming taon nang walang kaso ng foot and mouth disease sa bansa.
“For decades, hindi tayo nagbabakuna ng FMD so wala sa immune system ng mga alaga nating animal. Stranger ito eh. ‘Pag pumasok ito, sabog talaga ito. Unlike in their (other countries) case, they have been vaccinating,” aniya.
Sa kabila nito, sinabi ni Palabrica na walang dapat ikabahala dahil madali itong makontrol.