AAYUDAHAN ng Department of Migrant Workers (DMW) ang nasa 452 overseas Filipino workers (OFWs) sa New Zealand na naapektuhan ng pagsasara ng kompanya na kanilang pinapasukan.
Ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, ang ahensiya, kasama ang Migrant Workers Office (MWO) nito sa Wellington, ang labor attaché, ang welfare officer mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Department of Foreign Affairs (DFA), ay nagtutulungan upang tulungan ang mgs apektadong OFWs.
“We have around 452 identified OFWs seeking assistance and in process ang kanilang pagbibigay ng financial assistance. In addition to this, there are around 50 recipients who are New Zealand residents or dual citizens, at sila naman ay tinutulungan ng embahada,” aniya.
Nasa 700 OFWs na nagtatrabaho sa construction at manufacturing sector sa ilalim ng ELE Limited ang nawalan ng trabaho makaraang magsara ang kompanya.
Sinabi ni Cacdac na karamihan sa displaced workers ay nasa Auckland at Christchurch kung saan may malalaking proyekto ang kompanya, habang ang iba ay nakakalat sa ibang mga rehiyon.
Aniya, tinutulungan din ng DMW ang 14 ELE Limited workers na nagbabakasyon sa Pilipinas nang ianunsiyo ang pagsasara.
“Ang next way forward natin sa kanila… is to make representations with the New Zealand Ministry of Affairs and request them to possibly uphold the workplace of the workers to enable them to return to New Zealand and settle their obligations and/or transfer employers,” sabi pa ni Cacdac.
Ayon pa kay Cacdac, nakatanggap din sila ng mga report na ilang employers sa New Zealand ang nagpahayag ng interes sa pag-empleyo sa displaced OFWs, at ginagawa na ng office of the labor attaché ang makakaya nito upang i-refer ang mga manggagawa sa bagong employers.
Dagdag pa niya, lumahok din ang MWO sa jobs fair na inorganisa ng isang Filipino non-government organization para mahanapan ng trabaho ang displaced ELE Limited employees.