SA GITNA ng kabi-kabilang batikos sa administrasyong Duterte kaugnay ng diumano’y ‘di makatarungang joint oil exploration projects sa pagitan ng Filipinas at ng China sa pinag-aagawang West Philippine Sea, nilinaw ng pamahalaan na hindi malalagay sa dehado ang bansa pagdating sa pakinabang.
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, ang nilagdaang kasunduan ay isa lamang Memorandum of Understanding (MOU) kung saan mananatiling prayoridad ng gobyerno ang tiyakin ang soberenya ng bansa, maging ang hatid na pakinabang mula sa karagatang sakop ng Filipinas.
Giit niya, walang mawawala sa Filipinas anuman ang kahinatnan ng nasabing kasunduan.
Paliwanag pa ng kalihim, tanging ang serbisyo para sa kakayahang ilunsad ang aktuwal na proyekto para sa oil exploration sa WPS ang tampok sa naturang kasunduan.
Wala pa rin, aniya, roon ang hatian sa anumang magiging bunga ng nasabing proyekto bagama’t una nang siniguro ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas malaki ang magiging parte ng Filipinas sa magiging resulta nito at prayoridad pa rin ng pamahalaan ang pangmatagalang seguridad sa mga likas na yaman ng bansa, lalo na ang mga matatagpuan sa WPS.
Ayon pa kay Cusi, naiintindihan nila na malaki ang interes ng publiko sa nasabing kasunduan lalo na’t napag-uusapan ang panukalang joint exploration ng dalawang bansa sa WPS.
Dagdag pa niya, ang MOU nina Pangulong Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping ay naglalaman ng posibleng kooperasyon ng dalawang bansa sa pagtukoy kung kailangan nga ba ng joint exploration sa pinag-aagawang teritoryo. FERNAN ANGELES
Comments are closed.