(Tiniyak ng DOTr) DRIVERS NA SUMALI SA SONA STRIKE ‘DI PARURUSAHAN

DOTr-BBB

SINIGURO ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkoles sa mga driver na lumahok sa tigil-pasada noong July 24 na hindi sila mahaharap sa anumang parusa.

“The strike is the right of drivers, this is how they can air their views, their issues, their problems. We are not giving any penalty,” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa CNN Philippines.

Noong Lunes, kasabay ng ika-2 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nagsagawa ang transport group Manibela ng tigil-pasada bilang protesta sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan at sa umano’y kabiguan nitong tugunan ang kanilang problema.

Sinabi pa ng grupo na may pinapaboran ang mga awtoridad sa pagkakaloob ng jeepney routes.

Ayon kay Bautista, inatasan na niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsumite ng report hinggil dito.

“I have requested the group to give us a list of those franchises that were given to politicians if they have the documents,” aniya.

Iginiit din ng transportation chief na papayagan pang bumiyahe ang mga lumang jeepney matapos ang December 31 deadline para sa consolidation sa kondisyong ‘roadworthy’ pa ang mga ito.

Aniya, kabilang sa mga benepisyo ng paglahok sa isang kooperatiba o korporasyon ay ang pagkakaroon ng access sa ayuda sa sandaling simulan ng pamahalaan ang pag-phase out sa mga lumang jeepney unit.

Ani Bautista, bagama’t ang pagpapalit ng lumang units ay bahagi ng modernization program, ang pagpapatupad ay hindi magiging madali dahil kakailanganin ng malaking capital.

Naunang sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa CNN Philippines na ang phaseout ay magaganap sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Ayon kay Bautista, 40 local manufacturers ng modern jeepneys ang nagpahayag ng kanilang suporta para sa programa.