WALANG VIP treatment kay dismissed Bamban, Mayor Alice Guo.
Iginiit ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na nasa hiwalay na selda si Guo na may sariling palikuran.
Wala ring cellphone at aircon sa selda nito.
Una nang binanggit ni Guo kina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rommel Marbil na may mga pagbabanta sa kanyang buhay.
Tiniyak naman ni Abalos ang kaligtasan ni Guo habang ito ay nasa kustodiya ng mga pulis.
Si Guo o Guo Hua Ping ay ibinalik ng PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos iharap sa korte sa Capas, Tarlac.
Sinabi ni Fajardo na ang pagpapaharap kay Guo sa Capas Regional Trial Court Branch 109 ay “matter of procedure” sa isang indibidwal na inaresto base sa warrant of arrest.
Mananatili sa kustodiya ng PNP si Guo hanggang walang utos ang korte na ilipat ito sa ibang kulungan.
Si Guo ay dumating ng madaling araw ng Biyernes sa bansa, nakasuot ito ng orange na T-shirt bilang damit ng isang bilanggo na may nakasulat na CIDG, habang nakaposas ang mga kamay.
Bandang ala-1:00 ng madaling araw lumapag ang sinasakyang private plane ni Guo kasama ang mga sumundo rito na sina Secretary Abalos at PNP Chief Marbil.
Tinatakpan niya ng puting damit ang posas at nakasuot din ito ng facemask na itim.
Habang nasa eroplano, isinilbi ang warrant of arrest kay Guo na nagmula sa Capas, Tarlac.