WALANG balak si Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalooban ng parole o palayain ang drug personalities na nahatulan sa bansa.
Sinabi ni Duterte na hindi siya gagaya sa Amerika na binibigyan ng commutation o pinaiikli ang sentensiya ng drug personalities.
Para sa Pangulo, kung bibigyan ng parole ang mga nahatulan sa droga ay patuloy lamang na mamamayagpag ang operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Kaugnay nito ay muling bubuhayin ng Pangulo ang pambansang anti-illegal drug task force.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa ginanap na lecture kaugnay sa illegal drugs at militarisasyon noong Martes ng gabi na dinaluhan ng mga miyembro ng kanyang gabinete.
“It can provide a necessary personal complement to carry out the directive of the President to the Bureau of Customs to block the flow of illegal drugs in this country,” wika ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na magpapalabas siya ng memorandum circular upang buhayin ang naturang national anti-illegal drug task force.
Ang bubuo ng task force ay mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Customs, Philippine Coast Guard, at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Naniniwala ang chief executive na malaki ang maitutulong ng naturang task force upang matugunan ang problema sa ilegal na droga na aniya’y numero unong banta sa seguridad ng bansa.
Ayon pa sa Pangulo, hindi lamang ilegal na droga ang problema ng bansa kundi maging ang iba pang uri ng kemikal at armas.
Samantala, naniniwala si Duterte na babaha pa rin ng drug money sa darating na May 2019 midterm elections kasabay ng pagtiyak na tutugisin ng gobyerno ang mga nasa likod ng ilegal na droga.
“Tignan mo ngayong eleksiyon, makita ninyo ‘yan, drug money will play dito,” giit pa ng Pangulo.
Sa naturang okasyon ay muling kinastigo ng Pangulo ang pamilya Parojinog ng Ozamis City na sangkot din sa ilegal na droga. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.