INANUNSIYO ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na inaayos na ang four-tranche salary increase para sa mga empleyado ng pamahalaan.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na naglaan na ang gobyerno ng budget para sa pay hikes ng state workers, at idinagdag na magkakaroon din sila ng medical allowance.
“Para naman sa ating mga kawani ng gobyerno, mayroon silang maaasahang medical allowance bilang karagdagang benepisyo sa susunod na taon,” sabi ni Marcos.
“At hindi lamang iyon. Mayroon ding napipintong umento sa suweldo na makukuha nila sa apat na tranches. Naglaan na tayo ng pondo para rito simula sa taong ito at sa mga susunod na taon,” dagdag pa niya.
“Furthermore, we have extended the services of our job order and contract of service personnel working in government.”
Ang huling pagkakataon na tumaas ang sahod ng mga kawani ng pamahalaan ay noong 2023, ang fourth at last tranche ng Salary Standardization Law of 2019, na nagsimula noong 2020.
Nauna rito, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na isang pag-aaral sa posibleng pagtaas sa sahod ng government workers ang target na makumpleto sa katapusan ng Hunyo ngayong taon.