(Tinutulan ng NEDA chief) BOYKOT VS CHINESE FIRMS

HINDI naniniwala si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na makatutulong ang pagputol sa business ties sa China para maresolba ang harassment issues sa West Philippine Sea.

Sa Palace briefing kahapon, nagpahayag ng pagdududa si Balisacan na magiging epektibo ang pagboykot sa Chinese businesses, at sinabing mas makabubuting idaan ito sa diplomasya.

“As the president said, we are an enemy to none and we are a friend to all. Let’s keep it that way. We just have to use the diplomatic channel to get our issues addressed,” aniya.

Binigyang-diin pa ng NEDA chief na kailangang protektahan ang ekonomiya ng Pilipinas “by all costs”.

“We don’t want to cut… This economy, including China, is part of the global value chain. Our economy is part of the global value chain. We are linked to China directly or indirectly. That should not be the approach that we take in dealing with our neighbor,” dagdag pa niya.

Sa datos ng pamahalaan, lumitaw na ang China ay isa sa major trading partners ng bansa.

Magugunitang imi­nungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagboykot sa lahat ng Chinese companies at sa kanilang mga produkto bilang protesta laban sa patuloy na pangha-harass sa Philippine waters.

Inakusahan ng bansa ang Chinese Coast Guard ng paggamit ng water cannon para harangin ang Philippine military supply boat sa South China Sea, at kinondena ang hakbang bilang ilegal, “excessive” at mapanganib.