ISA nga naman sa pinoproblema natin ngayon ay kung paano pagkakasyahin ang maliit o kakapiranggot nating kinikita sa pang-araw-araw na pangangailangan ng buong pamilya. Hindi nga naman biro ang kahirapang kinahaharap ng marami sa atin. Hikahos na nga ang buhay, pinatindi pa ng pandemya.
Sa ganitong mga panahon ay dapat lang tayong mas lalo pang maghigpit ng sinturon. Mag-isip ng paraan nang makapagtipid at makaraos sa kinasasadlakang hirap. Kaya naman, narito ang ilang tipid-tips sa panahong kumakaharap ang mundo sa ‘di matatawarang problema’t pangamba:
MAGING MATALINO SA PAGGASTOS
Masarap ang mamili. Kapag may nakita tayong gusto natin, minsan ay binibili kaagad natin ito kahit pa hindi naman kailangan. Kumbaga, dahil gusto ang isang bagay, binibili natin nang walang pagdadalawang-isip.
Gayunpaman, sa panahong kumakaharap sa kahirapan ang halos lahat sa atin, kailangan nating magtipid sa lahat ng bagay. At isa nga sa dapat nating pinag-iisipan ay ang tama o matalinong paggastos. Maging matalino sa paghawak ng pera—malaki man iyan o maliit. Huwag nating isiping dahil may hawak tayong pera ngayon ay bibilhin na natin ang lahat ng maisipang bilhin.
Kung hindi naman kailangan ang isang bagay, ipagpaliban na muna ang pagbili nito. Sa pagbili, isaalang-alang ang pangangailangan kaysa sa kagustuhang magkaroon nito.
MAG-GROCERY LANG NG TAMA
Marami rin sa atin na hindi mapigil ang sariling bumili ng kahit na anong klaseng pagkain, prutas at gulay kapag nagtutungo sa grocery o palengke. Minsan, kapag nakakita tayo ng sale o buy one take one, natatawag kaagad ang ating pansin at binibili kaagad natin.
Kung tutuusin, makatitipid nga naman tayo kung sale o buy one take one ang ating bibilhin. Pero i-check pa rin natin ang packaging ng ating bibilhin. Alamin kung healthy ba ito. Kung kailan ito mag-e-expire. Siguraduhing sa bibilhin, mas makatitipid ka at hindi ka maloloko.
May mga pagkakataon kasing kahit na hindi naman kailangan o hindi naman healthy sa kalusugan, binibili natin dahil mura o makatitipid tayo.
Mainam din ang paggawa ng listahan ng mga bibilhin nang hindi mapasobra sa pagbili at mabili ang talagang kailangan.
Iwasan din ang pagbili ng maraming gulay at prutas o pagkaing madaling masira.
IWASAN ANG PAGLULUTO NG MARAMI
Sa pagluluto naman ng pagkain, iwasan ang pagluluto ng sobrang dami. Mainit ang panahon kaya’t paniguradong madaling masisira ang pagkain kapag iniwan natin ito sa lamesa o kaldero at hindi itinago sa refrigerator.
Magluto lang ng tama o sasapat sa pamilya nang hindi masayang ang pagkain. Kung may natira ring pagkain, ilagay kaagad ito sa ref nang hindi masira o mapanis.
MAGING MATALINO SA PAGGAMIT NG KASANGKAPAN
Dahil sobrang init pa ng panahon, hindi talaga maiiwasan ang paggamit ng aircon, electric fan at maya’t mayang pagbubukas ng refrigerator. Mas malakas ang konsumo sa koryente ng mga kasangkapan kapag mainit ang panahon.
Kaya naman, para makatipid, patayin ang mga kasangkapang hindi naman ginagamit o kailangan. Huwag ding iiwanang nakabukas ang ilaw lalo na kung hindi naman ginagamit. Maaari rin namang imbes na magbukas pa ng ilaw sa umaga, hawiin na lang ang kurtina sa bintana nang makapasok ang liwanag mula sa labas.
LIMITAHAN ANG PAGKAHILIG SA GADGET
Sa mga panahong mas maraming oras ang ginugugol ng marami sa atin sa bahay kaysa sa labas o trabaho, mas nagkakaroon din tayo ng pagkakataong kawilihan ang ating mga gadget. Iyong tipong maya’t maya tayong tumatambay sa social media, mas madalas na naglalaro ng online games at kung ano-ano pa.
Kung nawiwili sa online games, maglaan lamang ng panahon o oras para rito. Huwag naman iyong naglalaro ka ng halos walong oras o maghapon at magdamag. Kumbaga, okay naman ang mawili sa mga online game, K-drama at kung ano-ano pa. Gayunpaman, dapat ay sakto o tama lang. Huwag sosobrahan dahil hindi na ito mabuti.
MAGHANAP NG IBANG HOBBY O MAPAGLILIBANGAN
Hindi lamang din gadget ang maaari nating kawilihan sa panahon ngayon, puwede rin kasi tayong maghanap ng iba pang hobby na makapagdudulot sa atin ng ligaya. Hindi lamang ligaya kundi ng talas ng isip.
At ilan nga sa puwede nating paglibangan ay ang pagsusulat at pagbabasa. Bukod sa malilibang na, magkakaroon pa tayo ng kakayahang mahasa ang ating kaalaman sa lengguwahe.
Sa katunayan, matagal na tayong kumakaharap sa kahirapan. Isa nga naman ito sa suliranin ng lipunan. Suliraning hindi matuldok-tuldukan. Ngunit dahil sa kinakaharap na pandemya, tila lalong sumisikip ang daang ating tinatahak. Tila ba lalong natatalukbungan ng dilim ang liwanag na nais nating mabanaagan. CT SARIGUMBA
Comments are closed.