PASUKAN na at sigurado akong bukambibig na naman ng mga mag-aaral ang iba’t ibang #Goals na gusto nilang ma-achieve ngayong academic year. Mayroong mga mag-aaral na gustong makakuha ng mataas na grade kapalit ng reward mula sa kanilang parents, may mga estudyante naman na may target grade para sa scholarship, at mayroon din namang nais makasali sa honor roll.
Anuman ang dahilan kung bakit tayo nagsusumikap sa pag-aaral, aminin natin na hindi ganoon kadaling maabot ang mga goal na iyan. Kaya’t ngayong balik-eskuwela na naman, narito ang ilang tips na makatutulong upang mapaunlad ang ating academic performance:
PAUNLARIN ANG TIME MANAGEMENT SKILLS
Isa sa downfall ng mga estudyante ang procrastination. Pakiramdam natin ay marami pa tayong time, kaya’t madalas nating ipinagpapaliban ang mga gagawin.
Ang tendency tuloy, magka-cram tayo kapag malapit na ang pasahan at naisasakripisyo ang quality ng ating mga school project.
Pero kung marunong tayong i-allocate nang maigi ang ating oras para sa mga bagay na dapat gawin, maiiwasan ang stress at hassle na dulot ng cramming. Kahit pa magsabay-sabay ang mga deadline, kung may schedule ka ng iyong working hours at istrikto mo itong susundin, tiyak na hindi ka mahihirapan.
MAGING CONSISTENT
Mapapansing sa unang mga linggo ng klase, bibo halos lahat ng mga estudyante. Ngunit habang tumatagal, mas tumatamlay sila at uma-absent.
Kung gusto mong makakuha ng magandang grade, dapat ay consistent ka at productive mula day 1 hanggang last day. Sabi nga nila, “you can’t mas-ter a skill in a day.” Ang kasipagan, hindi dapat pinipilit, dahil ito ay nagiging habit kung araw-araw na isasabuhay.
PANATILIHING MALUSOG ANG KATAWAN
Sa pag-aaral, hindi lamang dapat mataba ang utak, kailangang malusog din ang ating katawan. Kumain ng mga prutas at gulay, mag-ehersisyo at kumain nang tama sa oras. Nakaeengganyo nga naman talagang mag-aral kung mabuti ang ating pakiramdam.
Isa pa, mahirap magkasakit. Naranasan mo na bang lumiban sa klase kahit isang araw lang, tapos pagbalik mo, parang pambuong linggong lesson na ang hindi mo alam?
Mahalaga na alagaan ang ating kalusugan dahil anong silbi ng mataas na grades kung may sakit ka naman?
BALANSEHIN ANG ORGS AT ACADS
Upang maging well-rounded student, hindi lang dapat tayo sumisiksik sa isang sulok kasama ang mga libro. Mahalaga na matuto tayong makipag-socialize dahil hindi lahat ng bagay ay natututunan sa apat na sulok ng classroom.
Sa pagsali sa school organizations, ma-e-experience nating gumawa ng events at makihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. Bukod pa rito, darami pa ang ating mga kaibigan na puwede nating maging katuwang sa pag-aaral.
LUMABAS PAMINSAN-MINSAN
Mas magiging makulay ang ating student life kung may time naman tayo paminsan-minsan para sa gala at chillout sessions. Isa itong paraan para makahinga mula sa stress na dulot ng acads. Sinuman ang ating kasama sa mga galaang ito, pamilya man, kaklase o mga kaibigan, maganda na makapag-enjoy naman tayo at makapagmuni-muni.
GAWING PRIORITY ANG MENTAL HEALTH
Kahit na may goals tayo ngayong school year, huwag nating kalimutang mas mahalaga pa rin ang stability ng ating mental health. Huwag ipilit kung hindi na kaya at magpahinga kung pagod na. Dahil sa buhay talaga, may mga bagay na hindi natin kayang kontrolin.
May mga pagkakataong hindi natin nakukuha kaagad ang ating mga gusto. Ngunit anuman ang mangyari, tulungan natin ang mga sarili na bumangon at magkaroon ng positive mindset.
Bukod sa tips na nabanggit, naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang diskarte sa pag-achieve ng ating goals. Pero hindi dapat ito hanggang plano lamang, kinakailangan din natin ng aksiyon. Walang shortcut sa success at tiyak na mas masarap i-celebrate ang tagumpay kung ito ay pinaghirapan ng buong academic year. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.