MAHALIN ang trabaho, iyan ang dapat na matutunan ng maraming empleyado. May ilan kasing hindi gaanong pinahahalagahan ang trabahong mayroon sila. Pumapasok nga o ginagawa ang trabaho ngunit hanggang doon lang. Kumbaga, hindi gumagawa ng paraan upang lalo pang mapagbuti ang gawaing mayroon sila.
May mga empleyado nga namang kontento na sa kung anong mayroon sila. Dahil mayroon naman silang trabaho, okey na sa kanila.
Sabihin mang maganda ang posisyon mo sa iyong trabaho, mahalaga pa rin na palawakin ang iyong kaalaman. Bukod sa patuloy na pagpapalawak ng kaalaman, importante ring nagagampanan mo ng mabuti at maayos ang iyong trabaho. Kaya naman, narito ang ilang tips upang magampanan ang bawat gawain:
KILALANIN ANG MGA KASAMAHAN SA TRABAHO
Magkakaiba ang ugali ng tao. Kumbaga, maaaring hindi magkasundo-sundo ang mga empleyado sa isang opisina. Hindi rin maiiwasan ang inggitan at samaan ng loob.
Gayunpaman, bilang empleyado ay napakahalaga na kilalanin natin ang ating mga kasamahan sa trabaho. Mainam din kung aalamin natin ang kanilang ugali.
Kahit din may mga kasamahan kang may “masamang” ugali, pakisamahan pa rin itong mabuti.
HUWAG MAKIKIPAG-AWAY SA MGA KATRABAHO
Hangga’t maaari ay iwasan ang pakikipag-away sa mga kasamahan sa trabaho. Oo, minsan kahit na sobrang nagtitimpi na tayo, tila nananadya pa rin ang panahon at aasarin ka. Pero sabihin mang nananadya na ang panahon, matuto pa ring magpigil ng sarili.
Walang mabuting maidudulot ang pakikipag-away sa kapwa. Mabuti sana kung matatapos ninyo ang trabahong nakaatang sa inyo kung mag-aaway-away kayo. Pero hindi naman. Magiging magulo lang ang lahat. Maaari ring maapektuhan nito ang inyong trabaho at ang kalidad ng inyong ginagawa.
Kaya naman, sabihin mang may nang-iinis na katrabaho o nananadya, magtimpi pa rin. Huwag makikipagsigawan bagkus ay kausapin ng mahinahon ang katrabaho. At kung sakali mang sumigaw siya o sigawan ka, manatiling nasa mababa ang tono. Ipakita mong sa mga ganoong sitwasyon ay kaya mong magpigil kahit na asar na asar ka na.
Sa pamamagitan din ng pag-iwas na magkaroon ng kaaway o gulo, magagampanan mo ng maayos ang iyong trabaho.
MAGING POSITIBO SA LAHAT NG SANDALI
Negatibo man ang nangyayari sa paligid o sa inyong opisina, importante pa ring maging positibo sa lahat ng sandali. Kumbaga, huwag magpapaapekto sa negatibong nangyayari sa paligid. Isipin ding lahat ng mga nangyayaring hindi maganda ay laging may kapalit na maganda.
Sa pagiging positibo rin ay magagampanan mo ng maayos ang bawat gawaing nakaatang sa iyo.
PAG-ARALAN ANG INDUSTRIYANG GINAGALAWAN
Kung matagal ka ng nagtatrabaho sa kompanyang kinabibilangan mo, mainam kung gagalingan mo pa o pagbubutihan ang iyong ginagawa.
Hindi porke’t matagal ka na sa iyong trabaho ay magpapakampante ka na. Mahalagang linangin mo pa ang iyong kaalaman. Makatutulong din ang patuloy na pag-aaral at pagpapalawak ng kaalaman ng bawat empleyado upang lumago ang kompanyang inyong kinabibilangan.
Sa mga baguhan naman, huwag ding tumigil na matuto. Huwag ding makampante sa kung ano lang ang alam ninyo. Tumuklas ng mga bagay-bagay na makatutulong upang makamit mo ang iyong pangarap o posisyong iyong inaasam-asam.
Hindi rin dapat na nahihinto sa interview stage ang pag-aaral ng bawat empleyado, ang maunlad na empleyado ay patuloy na humahanap ng paraan para mapabuti ang ginagawa at maging katangi-tangi sa lahat.
Kaya naman, baguhan ka man o matagal ka na sa iyong trabaho, huwag makampante at tumigil na matuto. Tandaan natin na lahat ng successful na empleyado at negosyante ay hindi tumitigil sa pag-aaral at pagpapalawak ng kanilang kaalaman.
HUWAG MATAKOT NA MAGTANONG AT MAGPATURO
May ilan sa atin na bilib na bilib sa sarili. Kunsabagay, importante nga naman ang tiwala sa sarili para magampanan mo ng maayos ang iyong gawain. Gayunpaman, huwag naman sanang sobrahan ang pagkabilib sa sarili.
Sa totoo lang, sabihin mang magaling ka na, marami ka pa ring kailangang matutunan. Kaya naman, huwag na huwag matatakot na magtanong at magpaturo o maghanap ng mentor para mapalawak pa ang kaalaman.
Iba rin kasi iyong may nagsasabi ng mali mo para maitama mo iyon. May iba kasing empleyadong sa sobrang bilib sa sarili, akala nila ay tama ang lahat ng ginagawa nila. Hindi nila napapansin ang kanilang pagkakamali.
Kaya naman, magtanong at magpaturo sa mga taong may higit na kaalaman sa ginagalawang mundo.
PAGHUSAYIN PA ANG KAALAMAN AT GAWIN NG MAAYOS ANG TRABAHO
Hindi sapat na nagagampanan mo ang iyong trabaho. Nararapat din na gawin ito sa matalinong paraan. Kumbaga, isiping mabuti kung paano pa ito mas mapagaganda.
Maaaring mag-set ng mga goal nang mapaghusayan pa ang ginagawa.
May ilan din sa atin na halos isinusubsob sa trabaho ang sarili sa pag-aakalang iyon ang magiging paraan para matapos ang kanyang ginagawa. Oo nga, kapag isinubsob mo ang iyong sarili sa isang gawain, panigurado namang matatapos mo iyon. Pero ang tanong diyan, kumusta naman ang kalidad ng iyong trabaho. Okey ba?
Paghusayin pa ang kaalaman, tama naman iyon. Gawin din ng maayos ang trabaho, tama rin iyon. Pero ang mag-overwork para matapos ang isang gawain, hindi makatutulong para mailabas mo ang angking galing mo sa isang gawain. Maaari kasing dahil pagod ka na, hindi mo na maibibigay ang best mo. Kumbaga apektado na ang kalidad ng iyong trabaho.
Kaya para magampanan ng mabuti ang trabaho, iwasan ang magtrabaho ng sobra-sobra. Tama lang. Balanse lang dapat.
Kunsabagay, importante nga naman ang pagkakaroon ng trabaho. Pero importante rin na minamahal natin ang ating trabaho. Mahalaga rin na gumagawa tayo ng paraan para mapagbuti pa ito at higit sa lahat, upang madagdagan pa ang ating kaalaman.
Dahil habang nadadagdagan ang ating kaalaman, malaki ang tiyansang tumaas din ang ating posisyon.
Sa tips na nabanggit, hindi lamang nagagampanan n’yo ang inyong trabaho kundi napalalawak n’yo pa ang inyong kaalaman. Higit sa lahat, nakapag-ambag ka sa ikagaganda ng kompanyang iyong pinagtatrabahuan. CT SARIGUMBA
Comments are closed.