(Pagpapatuloy)
ILANG linggo na ang nakararaan noong nakapagbanggit ako sa kolum na ito ng ilang mga tips upang mapalakas ang ating immunity para kayanin ng ating katawan na lumaban sa sakit.
May dalawang bagay pa akong nais idagdag para sa kolum na ito—ang kahalagahan ng tamang pagharap sa mga stressful na sitwasyon o mga problema, at ang benepisyo ng ancient Chinese practice na qigong at tai chi.
Napakalaki ng epekto ng stress sa ating immunity, kasama na rin dito ang kalungkutan, depression, galit—at iba pang mga negatibong emosyon.
Pinahihina ng mga ito ang ating katawan kaya mas madali tayong kapitan ng sakit. Kung nais nating labanan ang virus, kailangan nating gumamit ng iba’t ibang paraan upang harapin ang mga pagsubok sa buhay.
May kanya-kanyang paraan ang bawat isa, kaya maaari kang gumamit ng mga bagay na hiyang para sa iyo. Ang ilang halimbawa nito ay ang pagme-meditate, pagdarasal, mindfulness, breathing exercises, pagre-relax sa pamamagitan ng paggawa ng ating mga hobbies, at marami pang iba.
Ayon naman sa isang pag-aaral mula sa National Library of Medicine’s National Center for Biotechnology Information (https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/32629903/), may magandang epekto ang tai chi at qigong sa ating immune system.
Para sa mga hindi pa pamilyar sa mga ito, maaaring magpunta sa YouTube upang makahanap ng mga tutorial videos tungkol dito.
Puwede kayong magsimula sa mga ehersisyong nakatutulong na magpalakas ng baga at ng ating immunity. Napakadaling sundan ng mga routine, at hindi nangangailangan ng anumang gamit o equipment para magawa ang mga ito. Kahit matanda o bata man ay siguradong kayang-kayang sumunod sa mga tutorial videos.