BAWAT negosyante o restaurateurs ay kailangang isaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang customer. Pagdating sa pagkain, napakahalaga na nasisiguro nating malinis ito at ligtas nang hindi magkaproblema—ang customer man o maging ang negosyo.
Mahirap ang magtayo ng kainan o restaurant. Marami nga naman kasing problemang maaaring makasalamuha. Maaari tayong makatanggap ng reklamo ng mga customer tungkol sa lasa ng pagkain, mabagal na serbisyo at gayundin kapag may napahamak dahil sa inihanda. Sa rami ng kakompetensiya, kailangang mag-isip ng makabagong paraan nang makuha ang atensiyon o kiliti ng mga parokyano.
Kaligtasan ng customers, iyan ang dapat na isaalang-alang ng restaurateurs. Kaya naman, narito ang food safety tips para sa mga restaurant owner:
PAGIGING MALINIS
Importante ang kalinisan, hindi lamang sa inyong restaurant kundi maging ang bawat empleyado o staff na nagtatrabaho sa naturang lugar.
Kumbaga, bukod sa pagsigurong malinis ang bawat sulok ng restaurant at mga pagkaing ihahanda, mahalaga ring napananatili ng bawat empleyado ang pagiging malinis ng kanilang kabuuan.
Siguraduhing laging naghuhugas ng kamay. Gumamit ng sabon at tubig sa paghuhugas ng kamay nang matanggal ang kumapit na dumi.
Maghugas din ng kamay matapos ang pagkain, paggamit ng bathroom, paghawak ng raw fish, raw meat at raw poultry. Huwag ding kaliligtaang maghugas ng kamay matapos ang smoke break at paggamit ng cellphone.
Mahalaga rin ang training ng mga empleyado nang mapanatiling malinis at ligtas ang bawat customer ng inyong restaurant o kainan.
I-train ang mga ito kung paano malalaman kung sira na ang pagkain.
PALITAN ANG DISPOSABLE TOOLS
Marami sa atin na kahit disposable, hindi agad-agad itinatapon. Kumbaga, ginagamit hangga’t puwede pa.
Ang mga disposable na gamit, hindi iyan dapat na pinatatagal. Para mapanatiling malinis at safe ang bawat isa sa atin, kailangang itinatapon ito o pinapalitan.
Ilan sa disposable tools o gamit na kailangang palitan ay ang gloves, sponge na ginagamit sa paghuhugas ng mga pinggan o gamit sa kusina at towels na pinamumunas sa lamesa.
Ang mga nabanggit na bagay ay mas madaling kapitan ng dumi. Breeding ground din ng germs at bacteria ang mga nabanggit na gamit kaya imbes na luminis ang isang lugar o bagay, puwede pa itong mas lalong dumumi.
Ugaliin ang pagpapalit ng mga naturang bagay. Halimbawa ang sponge, palitan ito every other day lalo’t madalas na ginagamit sa restaurant. Ang paper products naman ay isang beses lamang gamitin. Araw-araw namang labhan ang mga basahan nang maiwasan ang pagkalat ng dumi sa kusina o lugar.
LAGYAN NG LABEL ANG PAGKAIN
Importante rin ang paglalagay ng label sa mga pagkain nang malaman kung kailan ito mag-e-expire. Ilagay rin sa unahang bahagi ang mga unang nabili nang magamit kaagad.
Itapon naman kaagad ang mga produkto o pagkaing expired na nang hindi na ito magamit pa.
Bukod sa pagkain, mainam ding lagyan ng label ang mga sangkalan. Hindi nga naman puwedeng kung anong sangkalan ang ginamit natin sa karne ay iyon din ang gagamitin sa gulay at prutas. Magkakaibang sangkalan o chopping board ang gamitin nang maiwasan ang cross-contamination.
Maiiwasan din ang E. coli at salmonella, ang dalawang pinaka-common na forms ng food-borne illness sa pagkalat sa pamamagitan ng paggamit ng proper food storage at temperature control.
Huwag ding pagsasamahin ang raw food.
Bilang negosyante, mahalaga ang bawat customer. Dahil sa kanila kaya kumikita ang isang negosyo. Kaya naman, maging maingat tayo at siguraduhing safe o ligtas ang ihahanda natin sa kanila. Tiyakin ding masarap ang inihahandang putahe nang tangkilikin nila ito. ni CT SARIGUMBA
Comments are closed.