SA KABILA ng mainit na panahon, hindi naman puwedeng pabayaan natin ang ating garden—maliit man iyan o may kala-kihan. Importante ang pag-aayos at pag-aalaga ng garden sapagkat nakatutulong ito upang gumanda ang labas ng ating tahanan.
Maganda rin naman ang pagkakaroon ng maayos na garden. Maaliwalas din sa mata kung mayroong mga puno, hala-man at mga bulaklak ang labas ng bahay ng kahit na sino. Nakalalamig din kasi sa paningin at pakiramdam ang isang lu-gar lalo na kung mayroon itong mga nagbeberdehang halaman at iba’t ibang kulay na bulaklak.
Kahit na abala ang marami sa atin, pagtuunan pa rin natin ng pansin ang pag-aayos ng garden. Pangit naman kung pagpasok mo ng bahay, lantang mga bulaklak at halaman ang bubungad o sasalubong sa iyo. Kaya narito ang simpleng tips nang mapaganda ang garden sa kabila ng mainit na panahon:
PLANUHIN ANG GAGAWING PAG-AAYOS
Importante talaga ang pagpaplano lalo na kung gusto mong maging maayos at maganda ang kalalabasan ng gagawin mo. Kapag magtutungo tayo sa ibang lugar o mamamasyal, lagi tayong nagpaplano ng mga gagawin at kung ano-anong lugar ang pupuntahan natin.
Kapag maglilinis tayo ng loob ng bahay, importante ring magplano para mapadali ang gagawin. Gayundin sa pag-aalaga at pagpapaganda ng garden, mahalaga ang pagpaplano para alam mo ang mga hakbang na iyong gagawin.
Kung plano mong pagandahin at ayusin ang iyong garden o halamanan, planuhin ito. Sa pagpaplano, kailangang kasama roon kung kailan ito sisimulan, ano-anong paglilinis at pag-aayos ang gagawin at maging ang mga bulaklak na idaragdag o itatanim. Kasama rin sa pagpaplano ang pag-alam kung ano-anong gamit ang kakailanganin sa gagawing pag-aayos ng halamanan o garden.
LINISIN ANG KABUUAN NG GARDEN
Karamihan sa atin ay abala sa pagtatrabaho sa opisina kaya madalas ay napababayaan natin ang ating garden. Pero hin-di naman gugugol nang matagal na oras ang paglilinis ng garden.
Kung wala pang gaanong oras, walisin muna ang garden at alisin ang mga ligaw na damong tumutubo. Kapag hindi mo kasi ito naaalis ay maaaring mamatay ang halamang nakatanim doon.
Isa-isa ring tingnan ang mga halaman at tanggalin ang mga tuyot na dahon. Kung sakali namang marami na ang sangga ng halaman o bulaklak gaya ng bougainvillea ay maaaring putulan ito at ikorte sa hugis na nais.
TAMBAKAN O LAGYAN NG MATABANG LUPA
May mga garden na hindi maganda ang lupa. Halimbawa na riyan ang lupa sa amin sa Parañaque. Lalo na ngayong mainit ang panahon ay tila nagi-ging alikabok ito at tila mabuhangin. Sa ganitong mga panahon din ay nagkakamatayan ang mga halamang nakatanim sa aming garden lalo na kung napabayaan ito.
Isa sa ginagawa namin ay ang regular na pagpapatambak ng lupa. May mga nabibilhan ng lupa na puwede mong ipatambak sa iyong garden. Mataba pa ang lupang iyon kaya’t madaling tumubo ang mga halaman.
Kung ganitong hindi maganda ang lupa ng inyong garden, isa sa opsiyon na puwede ninyong gawin ay ang bumili ng matabang lupa at ipatambak o ipalagay ito sa inyong garden. Abot-kaya lang din naman sa bulsa ang mga panambak na lupa.
MAGDAGDAG NG MGA HALAMAN AT BULAKLAK
Magtanim din o magdagdag ng mga halaman at bulaklak nang lalo pang gumanda ang inyong garden. Mas maganda rin kung iba’t ibang bulaklak at halaman ang itatanim nang kapag namulaklak ito ay iba’t iba ang kulay at hugis.
Kung hindi naman gaanong malaki ang lupa o espasyong mayroon kayo, maaari ring gumamit ng mga lumang lata para pagtaniman. O kung anumang maaaring mapagtaniman na mayroon kayo.
Pagdating naman sa halaman o bulaklak na itatanim, maganda kung ang pipiliin ay ang mga klase na madali lang mabuhay at hindi masyadong nangangailangan ng alaga.
Alamin din kung anong bulaklak at halaman ang swak sa inyong lugar at maging sa klase ng lupang mayroon kayo.
MAGING MAPAGPASENSIYA AT MATUTONG MAGHINTAY
Kapag pinagaganda natin ang ating halamanan, hindi naman kaagad natin nakukuha ang gandang gusto natin.
Kapag nagtanim din tayo ng halaman at mga bulaklak, hindi rin iyan agad-agad na nabubuhay. Kailangan pa siyempreng alagaan, diligan ng regular at kung minsan ay lagyan ng pataba.
Kumbaga, hindi overnight ang pag-aalaga at pagtatanim ng halaman kaya’t dapat ay matuto tayong maghintay.
Maging mapagpasensiya rin. Halimbawa ay hindi nabuhay ang lahat ng halaman at bulaklak na itinanim, huwag mainis at mawalan ng pag-asa. Bagkus ay subukan ulit ang pagtatanim. Malay mo mabuhay na ito.
Hindi lahat ng mga bahay ay mayroong espasyo para mapagtaniman ng halaman at bulaklak.
Pero kahit na wala ka pang espasyo, kung talagang gusto mong magkaroon ng halaman an, maaaring gamitin ang mga lumang lata para pagtaniman.
Para mapaganda ito, puwede mo itong pinturahan ng iba’t ibang kulay at ihilera lang sa may garahe at veranda.
Magandang tingnan at maaliwalas ang tahanang may mga bulaklak at halaman. Kaya ano pang hinihintay ninyo, simulan na ang paghahalaman nang gumanda ang labas ng inyong tahanan. CT SARIGUMBA (photos mula sa google)
Comments are closed.