Pinangunahan nina PBA Commissioner Willie Marcial, Chairman Ricky Vargas, at ng iba pang miyembro ng board ang official season launch kahapon sa Diamond Hotel. Kuha ni RUDY ESPERAS
BUBUKSAN ng TNT Tropang Giga at ng Magnolia Chicken Timplados Hotshots ang 2023-2024 PBA Commissioner’s Cup sa Nobyembre 5 sa Araneta Coliseum.
Magsasalpukan ang TNT, naghari sa 2023 Governors’ Cup noong Abril, at Magnolia, winalis ang On Tour noong nakaraang summer, sa opening day ng import-laden conference ng PBA.
Magiging espesyal ang muling pagbubukas ng liga na galing sa mahabang pahinga kung saan bibigyan nito ng pagkilala ang isang special team at ang special feat na natamo nito sa katatapos na Asian Games sa Hangzhou, China.
Sa official season launch sa Diamond Hotel kahapon, tinukoy ni PBA chairman Ricky Vargas ang mga achievement at milestones na narating ng liga sa Season 47 – isang malaking tagumpay na tinampukan ng epic gold-medal run ng Gilas Pilipinas sa Hangzhou Games.
Ang Asiad heroes ay kinabibilangan nina Ginebra resident import Justin Brownlee, Gin Kings Scottie Thompson and Japeth Aguilar, San Miguel’s June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Ross at Marcio Lassiter, NorthPort’s Arvin Tolentino, NLEX’s Kevin Alas, TNT’s Calvin Oftana, Meralco’s Chris Newsome, at Ange Kouame.
“The (season) ended with the PBA being tasked to build a hastily-formed team, and this team won the championship. The PBA is now the gold standard in basketball in Asia, and we’ll be the best in Asia at least in the next four years,” sabi ni Vargas.
Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na isang special tribute sa gold medal winners ang magiging bahagi ng season opener na pasisimulan ng Season 47 Leo Awards.
“Maganda ang opening. It’s very special at magandang abangan,” sabi ni Marcial patungkol sa event na mapapanood sa bagong tahanan ng PBA, ang ZOE Broadcasting Network, gayundin sa One Sports at PBA Rush sa Cignal TV.
Magpapatupad ang liga ng mga bagong tuntunin habang mananatili ang Wednesday-Friday-Saturday-Sunday playdates nito.
Ang weekday games ay 4 p.m. (first game) at 8 p.m.(second game) habang ang weekend games ay 3 p.m. at 6:15 p.m.
CLYDE MARIANO