SISIKAPIN ng Blu Girls na maging unang softball team sa bansa na nagkuwalipika sa Olympics sa pagsabak sa WBSC Softball Asia/Oceania 2019 Qualifying sa Set. 24-29 sa Shanghai, China.
Sa kanyang pagbisita sa TOPS Usapang Sports na ginawa sa National Press Club, inamin ni coach Ana Santiago na mabigat ang kampanya ng mga Pinay dahil world-class ang kumpetisyon na lalahukan ng Chinese Taipei, Australia, Korea, Indonesia, Hong Kong at host China.
Sa kabila na mahirap ang kanilang pagdaranan ay positibo pa rin ang beteranang coach na maganda ang ipakikita ng mga Pinay dahil sapat ang kanilang paghahanda, kabilang ang paglahok sa iba’t ibang overseas competitions.
“I am more than confident that our Blu Girls have a shot at representing the country in the prestigious tournament,” sabi ni Santiago.
Haharapin ng Blu Girls ang ranked No. 6 Chinese Taipei, habang maglalaban ang Australia at China; New Zealand vs Korea, at Indonesia kontra Hong Kong.
Limang bansa ang pasok na sa 2020 Tokyo Olympics – Japan, USA, Mexico, Canada at Italy.
Ang Blu Girls ay reigning Southeast Asian Games at Asia Cup champion at ranked fifth sa rehiyon.
Sinabi ni Santiago na limang equally talented at grizzled pitchers—apat na right-hander at isang left-hander – ang pupukol para sa koponan.
Ang kampanya ng Blu Girls ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.