TOLEDO KAKASA SA ASIAN GAMES

MATAPOS  dominahin ang 110m hurdles at long jump sa Philippine National Games (PNG), sinabi ni coach Sean Guevara na malaki ang pag-asa ni reigning SEA Games decathlon champion Aries Toledo na mag­wagi sa Asian Games na gaganapin sa ­Agosto sa Indonesia.

“He got 140 points in long jump and 110m hurdles. He has 7,573 points good for bronze,” sabi ni Guevara.

“Malaki ang tsansa ni Toledo na manalo.  Sa itinatakbo ng kanyang training ay hindi mala­yong manalo siya. May tatlong buwan pa bago mag-Asian Games at tiyak gaganda ang kanyang performance,” sabi pa niya.

“’Yung gold medalist, si Keisuke Ushiro, ay walang balita kung sasali sa Asian Games at sina Leonid Andreev, Akihiko Nakamura, Dmitrey Karpov at Hadi Seperhzad ay retired na,” aniya pa.

“Sa pagreretiro ng apat na atleta ay lumaki ang kanyang pag-asa na manalo sa decathlon,” dagdag pa niya.

Ito ang unang pagkakataon na sasabak si Toledo sa Asian Games. Dinomina niya ang SEA Games at ang National Open Invitational Athletics at may malawak na foreign exposures.

Sinabi ni Guevara na mahigpit na makakalaban ni Toledo ang mga pambato ng Japan, Thailand at China.

“Tinalo ni Toledo ang Thai sa Asian Athletics noong nakaraang taon sa India at sa Malaysia,” aniya.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.